Mar 24, 2007 12:33
para malaman ng tao na tapos na ang 8-day silent retreat ko. haha.
isa sa mga nasulat ko habang nagdarasal:
nagpakita si hesus sa aking kwarto at sabi niya, "come and see." halika, lumapit ka sa akin at maramdaman muli ang higpit ng aking yakap. danasin muli ang tuwa, saya, at ligaya sa aking piling. halika, at makikita mo. makikita mo ang aking lubusang pagmamahal sa iyo, ang pag-ibig ko na walang hanggan. lumapit ka para makita mo ang plano ko para sa iyo, nang makita mo ang maaari mong magawa. halika at tingnan ang hangganan ng iyong mga pangarap, ang pinaka-rurok ng iyong pwedeng maabot.
lumapit ako pero wala akong makita. tumitig ako sa labas at wala pa rin akong makita. ano ba dapat ang aking tinitingnan? "pasensiya panginoon, pero baka kulang pa ako ng pokus. balik na lang ulit kayo sa susunod." pero niyaya niya ako papalapit sa kanya. sabi niya, "nakita mo na." at doon ko natanto na ang kawalan pala talaga ang pinapakita niya sa akin- ang bumabalot na ulop (fog). pinapakita niya sa akin ang pagbabago, ang pagbabago ng sarili ko.
wala akong makita dahil ayaw ko itong makita. ayaw ko ng pagbabago. ang gusto ko lagi ay kung saan kampante ako at alam ko ang lahat. mas gusto ko kapag ako ang namamahala. kapag may pagbabago, mangangapa na naman ako. sa pagbabago, hindi ko alam kung ano ang kalalabasan at wala sa akin ang kontrol. nagtatago ako at tinatakasan ito dahil natatakot ako.
niyakap ako ni hesus ng mahigpit. naluha ako. bakit ba ako natatakot? kasama ko siya, at hindi ko ito pagdadaanan ng mag-isa. nandiyan lagi si hesus para sa akin.
"kahit kailan, panginoon?", tanong ko sa kanya. ngumiti na lang siya at hinigpitan pa ang yakap sa akin.
♥
pagbabago. hay.