Delayed (Isang Maikling Kuwento)

Jan 28, 2012 22:32


Headnote: Una sa lahat, "amateurish" ito. Pangalawa, hindi ko siya ipinublish sa aking abang official tumblr account dahil (take note!) hindi siya halaw sa aking sariling karanasan.

Antagal kong pinag-isipan. Ganito naman ako parati eh, magulo ang utak. Ewan ko ba. Ipinanganak yata akong ganito. Eh kung tapusin ko na lang kaya buhay ko ng hindi na ako mahirapan? May bumulong sa akin. HUWAG. Ibinato ko ang hawak kong bottle opener sabay sipa sa mga bote ng Red Horse na nakakalat sa sahig. Hilong-hilo na ako. Natabig ko ang isang bote. Basta ang alam ko hindi siya bote ng Red Horse at ito lang ang may laman pa. Unti-unting bumabagsak ang talukap ng mata ko. Parang may magnetic force na pilit ipinipikit ang mga mata ko. Buti na lang at naramdaman ko pa ang kama.

Nagising ako dahil sa sikat ng araw. Nakakasilaw. Kahit na ramdam ko pa din ang hilo pinilit kong magbanyo, parang puputok na kasi ang puson ko. Di ko na kaya. Baka magsakit pa ako sa bato pag pinigilan ko pa 'to. *flush* Anlaking ginhawa. Ang sarap sa pakiramdam. Napatingin ako sa bintana, parang may nakadungaw. Isang babaeng sabog ang buhok, nagingintab ang mukha, may nangingitim na eyebag, namumuting labi, sa madaling salita losyang na nakatitig sa akin. Pero bakit ganun? Tuwing kumukurap ako kumukurap din siya?

Naghilamos ako na lang ako ng mukha. Hilong-hilo pa din ako kaya di ko na napigilan at napasuka ako. Buti na lang at saktong nasa lababo pa ako. Hindi naman ako ganito dati tuwing umiinom ako. Hindi naman ganito kalala. Biglang nagring ng cellphone ko. BEBE Q. Sasagutin ko ba? Gusto ng kaliwang kamay kong sagutin pero ayaw ng kanang kamay ko. Iniisip ko, mag-aaway lang naman ulit kami. Nagsasawa na din naman akong pakinggan ang malalim niyang boses sa telepono. Hindi katulad ng dati na hindi ako nakakatulog hangga’t hindi ko ito nadidinig. Siguro may kailangan na naman siya. Ganyan naman siya. Magaling lang kapag may kailangan tapos iiwan ka sa ere pag nakuha na ang gusto. Sawa na din ako. Pero gusto pa din pindutin ng kaliwa kong kamay ang pesteng kulay berdeng button na yan. In-off ko ang cellphone ko dahil iritang-irita na ako sa paulir-ulit na pagtunog ng ring tone. Lalo lang sumasakit ang ulo ko.

Ang kalat ng kwarto ko. Ang gulo-gulo. Andameng kable. Nakakalat ang mga damit. Naalala ko yung tambakan namin sa dati naming bahay. Dun ako madalas magtago sa tuwing naglalaro kami ng taguan ng mga kapatid ko. Madilim, maalikabok, mabaho, tapos maraming mga kartong may laman na kung anu-ano. ARAY! Dumudugo ang talampakan ko. May naapakan ata akong bubog. Tuloy-tuloy lang ang pag-agos ng dugo mula sa sugat habang tinatanggal ko ang nakatusok sa paa ko. May lumipad na papel, inilipad ng hanging nagmumula sa aking bintana na hindi ko man lang malagyan ng matinong kurtina. PAMPALAGLAG. Yun ang nakasulat sa papel. Andami pang letrang nakaimprinta sa papel, siguro instructions pero hindi ko na binasa. Nakakatamad eh. Wala ng laman ang ref. Inisip ko na lang, makakatipid naman ako ng napkin ng siyam na buwan.

28 January, 2012
1:18 a.m.

Footnote: Ang sanaysay na ito ay isinulat/naisulat para sa "output" na hinihingi ng Kapatirang Dramatista. Ang bad news hindi ako nakapagproduce ng hard copy kaya hindi nila ito nacritic. Kayo na ang magcritic.

non-arashi

Previous post Next post
Up