[Sanaysay / Essay] Sobre sa Tabi

Jan 03, 2009 00:36

Title: Sobre sa Tabi
Comment: This is written in Filipino. This is for you urazuki  . Tell me what you think, okay? This is my honorable-mentioned "blog entry". LOL.

“Ate, ate…pangkain lang. Sige na po pangkain lang.”

Sa tuwing sasakay ako ng dyip, bukod sa ruta ng sasakyan papunta sa aking destinasyon, kailanman ay hindi ko nasapul ang pagbasa sa maaring mangyari sa aking biyahe. Kahit ilang taon ko mang tahakin ang iisang lugar, sumakay sa iisang kanto, tumingin sa bintana ng parehong dyip, at marining ang parehong tugtog sa radio ay hindi ko pa rin mabasa ng sakto ang mga bagay na maaring bumuluga sa akin sa isang araw.

Minsan nga lang ba ang pagkakataon o umiikot lang ang mga pangyayari ayon sa natural na ikot ng mundo sa kalawakan? Damay nga ba maging ang mga bagay na hindi na naayon sa pisikal na ayos ng natural na mundo? Habang lumilipad sa hangin ang buhok ko, lumilipad din sa hindi makitang linya ng mga mapaglarong nilalang sa aking isip at imahinasyon ang mga tanong na tumatalon, tumatambling, at nagpipiko. Walang pirmeng mapaglagyan, wala ring mahabol na sagot.

Iniisip ko kung saan napupunta ang mga matang nakikita ko minsan mula sa aking paanan, matapos magulat sa biglaang paglapat ng isang malamig na kamay sa aking paa. Iniisip ko kung ilan ang posibilidad ng pagkakataong makita ko muli ang isang katawan na gumagapang para makaabot ng isang paa upang punasan at mag-unat ng isang kamay para humingi ng barya. Iniisip ko kung ilang bata talaga kaya sa bansang ito na kailangan mamalimos, mamulubi at mababansagan pang 'pulubi'.

Minsan ko na siyang nakitang umakyat sa nagmamadaling dyip at namangha pa sa angking galing niya sa paghabol sa madalas na nagmamadaling mga gulong ng drayber. Sa ikatlong pagkakataon, isa pa rin ang binabanggit niyang hiling.

Pera para sa pagkain.

Kakarampot na pera para sa ilang subo ng kanin at lutong ulam sa tabi-tabi na pantawid gutom sa mga naglolobohang sikmura ng mga bata na tila kundi hangin ang laman, ay mga bulateng nakukuha nila mula sa sobrang paglalaro sa daan. Subalit sinong may lakas loob na duruin sila na mga kalat sa daan kung ang kalsada at mga kasuluksulakang maaamoy na parte ng lungsod ang siyang palaruan nila; ang kanilang kinagisnang lupa.

Noong una ko siyang nakita ay paa niya lang ang aking inaabot habang nakahambing sa ere ang kanyang kamay na naghihintay sa ilang kalansing ng barya na minsan andiyan, minsan ay nakakainis na wala. Ang ikalawang pagkakataon ay mas may dating dahil may saliw pa ng kanta at kakaibang tugtog ang handog nila ng kanyang kasama na nakaupo sa sahig ng dyip habang siya naman ay nagpapatong ng mga sobre na kahit ginawa para sa papel, ay tanging tinis ng nagtatamang mga piso o limang piso (at sampu kung sinusuwerte) ang maipapasok.

Sa ikatlong pagkakataon isang sobre na muli ang pumatong sa aking hita na may maririin na sulat ng asul na tinta at bali-balikong guhit ng letra na aakalain mong komang ang nag-sulat. Sa kinasanayang eksena, patay malisya ang mga tao sa paligid-may mga taong pinili nalang magsarili habang naka-plug ang earphones, may mas abala sa cellphone, may trip makipag-tsimisan, may abala sa pagtitig sa bintana ng katabi at mayroon din namang nakatitig lang sa kanila-na tila walang sobre sa kanilang harapan at walang batang dumadalangin ng tingin.

Subalit tama nga ang sabihin na ang mamaya ay hindi tiyak. May mga bagay na kailangang mabasag upang may mabuong bago.

Hindi ko alam kung ano ang nangyari o kung saan tumakbo ang nagmamakaawang mata niya na humihingi ng kaunting tulong na pangkain. Sa ilang minutong iyon na hinamon niya ang dapat sanang taglay na pagmamalasakit ng bawat tao sa kanyang kapwa tulad ng turo sa simbahan at maging sa sariling bunganga ng mga magulang; nakita ko ang apoy ng galit niya sa mga taong nagtatago sa kani-kanilang maskara. Subalit siya, ang batang walang ginawa kundi humingi ng kaunting pansin, mga kalansing na simbolo ng malasakit o maging awa, ay nakita ang mga mukha ng mga pasahero na naka-maskara. Sumabog nalang ang galit niya at nagbitiw ng mga salitang maging sa panahong ito ay hindi ko maalis sa akin.

“ANG DADAMOT NINYO! KUMPLETO NGA KAYO SA GAMIT WALA NAMAN KAYONG PUSO! SANA MARANASAN NIYO DIN MAGUTOM AT MAMALIMOS! MADADAMOT KAYO!”

At sabay ang karipas ng takbo palabas sa kaniyang teritoryo, pabalik sa mga kasamang maaaring mas nakakaintindi sa kanya; pabalik sa mga kaibigang dadamay sa kanyang kasawian; pabalik sa mga kaibigan na ang kinabukasan ay maaring kasama niya ng nagsusulat muli sa mga puting sobre ng baluktot na hugis ng mga letra sa gilid ng daan.

Madalas ay naiisip natin na ang mga pulubi ay marunong lang magsalita mula sa kanilang mga palad na naka-buklat upang dapuan man lang ng kahit kaunting lamig ng barya. Ilang pagkakataon nga ba ang maaring mangyari sa isang araw? Sa isang oras? Sa isang minuto? Ilang bata pa muli ang dapat manigaw sa galit ng pagdamutan siya minsan? Ilang pagdadamot na nga ba ang kaniyang inabot? Ilang piso na nga ba ang nailabas ko para sa aking sarili at hindi sa kanya? Sa pangyayaring iyon, tuloy lang ang hangin na sumusuklay sa aming mga buhok, ang takbo ng makina ng dyip at maging ang katahimikang yumakap sa amin. Sa hiya ay wala kaming maisumbat pabalik; sa hiya ang aksidenteng tingin ay nakakapaso. Maaring may nabasag at nabuo nga mula sa pangyayaring iyon.

Tila nga walang tiyak na pagkakataon. Kahit ilang taon na akong sumasakay sa iisang kanto, iba-iba ang dyip ang aking masasampahan. Kahit dyip lagi ang aking sinasakyan, hindi laging may tumitibok na tugtog ng bass sa speaker dahil minsan ay radyo na maaring iba ang istasyon, o minsan senti lang sa tunog ng makina at ingay sa labas ng bintana. Kahit iisang bintana ang dungawin ko sa iisang dyip, nagbabago ang takbo ng mga tao sa labas, gumagalaw ang mga bagay at nagpapalit ng ingay.

Kaya nga siguro sa mga susunod pang pagkakataon ay makikita niya pa ako muli, makikita ko pa siya muli. May pupulutin pa rin akong sobreng nasa labas ang sulat at lalagyan ng kaunting barya. O maari ding sa pagbaba ko ng dyip ay doon ko na siya makasalubong at muling sabihin na:

“Ate, ate pahingi namang barya…pangkain lang. Sige na po pangkain lang.”

Maaring sa pagkakataon na iyon ay maiabot ko na ng maayos ang aking malasakit at hindi niya na kailangan sumigaw sa tukso ng buhay; ang magalit sa mga panahong hindi lang sikmura ang gutom, pati na ang kaluluwa at pananampalataya sa pag-asa.

At maaring sa pagkakataong iyon, huhugis na ang kaniyang bibig sa isang ngiti.

original

Previous post Next post
Up