Raimund Marasigan and the Team Manila Eheads shirt autograph signing session

Mar 16, 2009 10:49



(photos courtesy of teammanila.multiply.com)
Mula nang napakinggan ko ang Ultraelectromagneticpop! noong grade 1 pa lang ako, naantig na ako sa mga kanta ng Eraserheads. At sa lahat ng mga instrumento na napakinggan ko sa album na yon, ang lumutang na instrumento para sakin ay ang drums. Hindi man sobrang technical ng drum parts sa bawat kanta, hindi hamak na bagay na bagay ang palo ni Raimund Marasigan sa bawat kanta ng Eraserheads. Swak na swak, walang labis, walang kulang.

Kaya mula noon, nagsimula akong mag-air drum sa bawat kanta ng Eraserheads sa Walkman ko araw-araw, kahit magmukha akong tanga sa loob ng school bus pauwi, o minsan sa klase. Kung tutuusin, sinubukan ko aralin ang bawat kanta ng Eraserheads mula Ultraelectromagneticpop! hanggang Carbon Stereoxide. Hindi ko lang naaral ang karamihan ng mga kanta sa Sticker Happy dahil nanakaw ang cassette tape namin ng kapatid ko noon, at hindi na namin napalitan ng bago. Kung tutuusin, karamihan ng mga natutunan kong groove at fill sa drums ay nakabase sa mga kanta ng Eraserheads.

Nalagas ang Eraserheads at nabuo ang mga offshoot na mga banda ng bawat isa sa kanila, na may kanya-kanyang istilo at personalidad. Bilib na bilib pa rin ako kay Raimund sa mga ginagawa niya bilang miyembro ng Sandwich, Pedicab at Cambio (at bilang miyembro ng Squid9 at SVC na rin), pero mas naaalala ko siya bilang taong naging pasimuno ng pagtugtog ko ng drums.

Noong tumugtog sila sa The Fort noong August at sa may MOA Open Grounds kamakailan lang, hindi na ako nag-alinlangan pa na manood ng parehong concert nila. Sinubukan pa nga namin ng girlfriend ko, si Leeloo, na sumali sa isang contest 2 weeks ago para lang magkaroon ng magandang view ng stage, at sa kabutihang-palad ay napanalunan naman namin (long story, tanungin niyo nalang kami sa PM kung paano nangyari yun). Sa parehong concert, tiningnan ko ang drumming style ni Raimund. Walang kupas talaga, solid pa rin ang palo. May ilang mga sandali na napapabilis o napapabagal siya ng palo pero ayos pa rin ang bawat kanta, lalo na sa kantang Lightyears, ang kanta na hanggang ngayon ay maituturing kong may pinakamagandang drumming ni Raimund (2nd place na ang Kaliwete, 3rd place na ang Palamig).

Isang linggo mula nang natapos ang concert nila sa MOA, pero tulad ng isang tao na muling nakatikim ng Wonder Boy o Nano-Nano, e may aftertaste pa rin ako nung concert na nais ko pa rin balikan. Kaya nang nagyaya ang kapatid ko na pumunta sa Rockwell Power Plant para sa Team Manila autograph signing ni Raimund noong Sabado, walang pasubaling pumunta ako doon.

Noong umaga ng Sabado, pinag-isipan ko pa kung ano ang gusto kong ipapirma. Meron akong snare drum na pinupuno ko ng mga autograph ng mga sobrang galing na drummers, pero pinili kong dalhin ang isang piraso ng practice pad set ko para lagi kong makikita ang autograph niya habang nagpa-practice ako.

Nakarating kami sa Rockwell nang bandang 3:15 ng hapon, at hinanap pa namin ni Leeloo ang store ng Team Manila. Madali naming nahanap ang store ng Team Manila dahil sobrang haba na ng pila ng mga taong gusto makakuha ng shirt at makapagpa-autograph kay Raimund. Ang oras pa lang noon ay 3:15 pm, pero siguro mga 40+ na ang mga taong nakapila doon: mga hardcore fans, mga nanay, mga mayayabang na nakakuha na ng shirt sa MOA launch pa lang (na sobrang sarap siguro sapakin), mga matatanda, mga konyo. Pumila kami at nagtanong sa mga katabi kung ano'ng oras ang simula ng pagbenta ng t-shirt. Ang sabi ng mga tindera ng Team Manila e 4:00 pm pa daw ang simula ng pagbenta at paggalaw ng pila. Grabe, mukhang natalo pa nito ang pila para sa tickets nung concert sa The Fort.



Noong dumating kami, naghahanda pa lang ang staff ng store para sa mga nakapila. Nagsabit pa sila ng mga nagsidatingan na limited edition shirts. Kitang-kita mula sa kinatatayuan namin ni Leeloo yung kulay maroon na setlist shirt na nakasampay sa may likuran ng store. Iniisip ko na yun na ang kukunin ko, dahil yun naman talaga ang Eheads shirt para sa Final Set concert.


Dahil gutom si Leeloo noon, pinapila ko muna siya at bumili ako ng pagkain para sa amin. Pagbalik ko, nabigla na lang ako at nandoon na rin ang kapatid ko at nakapila. Isang tao lang ang pagitan namin, yung Marcus Adoro look-alike na tahimik lang magdamag ang naghihiwalay sa amin. Naging sobrang excited ang kapatid ko, base sa patuloy na pagtawa niya at pagkuwento tungkol sa pila at sa mga lumang adventures namin na Eraserheads-related.

Noong 4:00 pm, dumating na si Raimund, at nagdagsaan ang mga tao, lalo na ang mga may dala ng camera. Hindi pa umuusad ang pila namin at sobrang daming tao na ang nagtipon sa harap para makunan ng litrato si Raimund. Akala ko e masisira na ang pila dahil doon, pero hindi naman pala dahil walang gusto magpasingit.



Halintulad sa lyrics ng "Huwag Mo Nang Itanong", parang field trip sa may pagawaan ng lapis ang pila doon - mabagal at walang katuturan. Sinabi kong mabagal dahil yung mga nasa harap ay pumipili pa sa mga t-shirts na nakalagay sa isang lamesa doon. Wala ring katuturan ang pagpila dahil karamihan ng mga nasa harapan ay humakot ng sangkatutak na tshirt, tulad na lamang nung dalawang nanay na tig-limang shirts ata ang binili (siguro para sa buong pamilya nila), at inisip namin na sa oras na dumating na kami sa harapan ay mauubusan na rin kami ng damit.



Habang unti-unting ummusad ang pila, napansin ko na may hawak-hawak na malalaking poster ang lahat ng mga nakabili na ng t-shirt. Sabi ni kapatid ko, yun daw ay limited edition na silk-screened posters ng Final Set, at ang unang 80 sa pila lang ang makakatanggap ng poster. Nalaman ko rin sa kanya na walong t-shirt bawat size at design lang ang available. Dahil namamakyaw ng mga t-shirt ang mga nasa harapan, naisip ko na hindi na talaga ako aabot sa gusto kong design. Naging tama ang hinala ako dahil nakita kong wala na ang maroon t-shirt na nakasampay doon.



Dahil wala na ang gusto kong design at malapit na rin kami sa harapan, kumbinsido na ako na bibili na lang ako nung shirt na may drumset na design. Tiningnan ko ang likuran ng pila, ang daming pang tao sa likuran namin. Siguro mga 80+ pa ang nakapila sa likod namin. Mas kawawa pa nga sila kasi hindi rin naman nila akalain na dadagsain ang mga t-shirt doon, kaya siguro saktong 4:00 pm sila pumila.

Pagdating sa harap ng pila, ubos na yung designs na gusto ko. Ang ginawa ng kapatid ko, dumiskarte siya sa isang saleslady. Pagabalik niya, ibinulong niya sakin na naka-reserve na siya ng gusto niyang mga design. May isang babae naman sa harap namin sa pila, nagtanong kung gusto ko bilhin yung drumset na design na small size na kinuha niya. Ayos na offer yun, pero nalaman din namin na may darating pang bagong stock ng shirts pagdating ng 6:00 pm.



Habang naghihintay ng mga bagong shirts, pinakiusapan ko muna ang mga tao sa likod namin na umatras muna dahil may darating na bagong batch ng shirts. Buti na lang at sumunod sila. May ilan na sumubok dumiskarte sa pagsingit, pero todo bantay ang mga nasa harapan. May nakita na rin akong cameraman na mukhang American na sinusubukan i-interview ang mga nasa harap (hindi ako nagpa-interview. Sumigaw ako ng "No English! Blood nose!"). May mga photographer na rin na kumukuha ng litrato sa amin. Kumuha din ng litrato yung isa doon sa Team Manila na duo. Sumigaw ako ng "congrats!" pero hindi ako narinig.

Lampas 6:00 pm na nang dumating ang mga bagong t-shirt. Pagkakita ng mga shirt ng mga nakapila, nagkagulo na. May ilan sa likod namin na sumingit na, pero buti na lang at nakakuha pa rin kami ng setlist shirt. Sky blue nga lang yung available pero ok na yun.



Pagkabili ng shirt, nagpa-autograph na kami kay Raimund. Ganito ang naging takbo ng usapan.

Nilapag ko sa lamesa ang pad.

"Sir! Papirma na lang dito sa may bandang ilalim ng pad para hindi matamaan ng sticks ko."

"Ayos to ha. Meron kang DW drumset?"

"Practice pad set lang e. Bawal mag-ingay sa bahay."

"Ah oks yan!"



Pumirma siya sa practice pad. Tapos tila ba nag-afterthought siya, dahil bigla siyang nagdagdag ng anim na letra.
Tinuro niya sakin ang mga letra sabay nagtanong siya.

"O, ano 'to?"

Nakasulat sa pad e RLRRLRLL. Medyo natulala ako kasi may kakaibang autograph na ako!

"Paradiddle."

"Good!"

"Pakisulat na rin ng double strokes ha!"

"Sige ba."

Sinulat niya ang RRLL sa left side ng pirma niya. Pag-abot sakin, bigla siyang tumuro sa damit ko.

"Glassjaw. Ayos yan."

Hindi ako makapaniwala na mukhang fan din siya ng Glassjaw,  pero sa tingin ko naimpluwensyahan siya ni Mong sa pakikinig ng isa sa mga pinakapaborito kong banda.



Nagpa-picture na kami, at noong paalis na ako, nag-iwan pa siya ng mensahe sa akin.

"Galingan mo pumalo ha!"

Gusto ko sana mag-usap pa kami tungkol sa mga banda at drumming kaso mahaba pa ang pila sa likod at mukhang pagod na rin siya sa kakapirma. Sinabi pa nga sakin nung isang tindera habang nasa pila kami na hanggang 10pm pa daw si Raimund doon. Umalis na lang din kami, at mukhang itutuloy ko na lang ang usapan namin next time, kung sakaling magkita kami sa mga gig. Sana naman ay magkasabay uli ang banda namin at ng isa sa mga banda niya.

Pagkatapos ng pagbili namin ng shirt, dumiretso na kami sa Megamall at kumain bago umuwi. Pinakita ng kapatid ko yung pinapirma niya na baby shoes para sa anak niya. Tinanong ko si Leeloo kung bakit ayaw niya magpakuha ng litrato, pero mukhang natameme siya dahil sobrang crush niya si Raimund e. Nag-text na rin ako sa mga kaibigan ko kung ano ang mga nangyari nung hapon na yon. Siyempre excited akong tingnan uli ang nabili kong shirt at practice pad.

Meron pa akong tatlong blankong practice pads na pwedeng ipapirma kina Ely, Buddy, at Marcus. Kukumpletuhin ko ang mga pirma nila para mas lalo akong ma-inspire mag-practice.

Salamat sir Raimund.



Previous post
Up