Mar 06, 2009 03:45
Sir Kiko,
Maraming salamat sa pagiging bahagi ng napakagandang alaala ng pagkabata ko. Tandang-tanda ko pa nung pilit kitang gayahin mag-rap habang pinapakinggan ang Freeman at Happy Battle sa radyo namin, at kung gaano ako natuwa sa tuwing naririnig ko ang balita sa mga ginagawa ninyo at ng Eraserheads, na tipong bababa ako ng hagdan ng bahay namin para lang makita ang balita sa inyo sa TV. Gasgas na gasgas yung mga tape ninyo sa radyo namin, as in. Madalas din ako manood ng Music Bureau, at tandang-tanda ko pa ang performance ninyo ng Eraserheads ng "Superproxy".
Noong kapanahunan na yon, usong-uso ang away ng rap at metal, pero wala akong pinanigan dahil alam ko na kaya naman makagawa ng magandang mga kanta na walang pinapanigan na genre, tulad ng ginawa ninyo kasama ang Hardware Syndrome.
Kahit ngayon nga, alam ko pa rin ang lyrics ng "Cold Summer Nights", at alam ng girlfriend ko yun. Kamakailan din ay narinig ko ang isa sa mga pinakagusto kong kanta ninyo, ang "Ayoko sa Dilim". Halos mabaliw ako sa tuwa dahil naisip ko kung gaano ka kagaling at kaprogresibo sa paghalo ng rock at rap, na hanggang ngayon ay ramdam na ramdam pa rin sa industriya.
Maraming salamat sa alaala, sir Kiko. Bilang tugon, hinding-hindi rin namin kayo malilimutan.