Just another day at Starbucks.
✖
Sa totoo lang, nabubuwisit ako kapag nakikita kita. Hindi ko alam kung bakit ka palaging narito sa branch ng Starbucks na to, e meron namang SB dun sa kabila ng kalye, mas malapit pa sa school mo yun (gago, hindi ako stalker ha, nakikita lang kita pumasok dun sa kabilang school kapag papasok na ‘ko ng klase). Basta, nabubuwisit lang ako. ‘Di ko rin masabi kung bakit kasi ‘di ka naman ganun kapangit; langya eh mas matino pa nga mukha mo kumpara sa ibang babae diyan at lalake ka (tangina, hindi ako bakla). Nandyan ka lang kasi lagi, nakaupo dun sa couch nang prenteng-prente, kala mo ikaw may-ari nung isa pang couch dun sa table na yun, nakaupo pa bag mo. Tapos wala ka namang ginagawa. O sige, nagbabasa ka, nagsusulat paminsan-minsan o naglalaro ng PSP, pero kadalasan nakikinig ka sa music player mo. Basta, tambay lang. Nakakabuwisit.
Siya, sige na. Sinungaling naman ako kung sasabihin kong hindi ko alam kung ba’t ako nabubuwisit, kasi bullshit yun - basta sabihin ng isang tao na may nararamdaman siya, kunwari badtrip o depressed, alam niya kung bakit siya nagkakaganon, bullshit kung sasabihin niyang hindi. Madali kasi akong magalit, tapos nagtatanim din ako ng galit. Naaalala mo ba nung… second week ata ng klase yun eh, malamang hindi na. Pero andami ko kasing dala nun, walangya naman kasing mga prof yun, kung anu-anong materyales ang pinagpapadala tapos dala ko pa laptop ko nun dahil may presentation pa kami. Malamang sa malamang pagod na ako nun, tapos Starbucks na lang talaga ang matatakbuhan kong pahingahan (pati dun na kami nagdesisyon ng mga kagrupo ko na magkita). Malay ko ba na bigla palang nasuspend ang klase sa school niyo at naglipana kayong lahat sa kung saan saan, tuloy, napuno yung Starbucks? E nagkataong yung isang couch dun sa table na inuokupahan mo na lang yung bakante. Hindi naman siguro sobrang kapal ng mukha ko kung makikiupo ako dun diba?
Pagkatapos ng napakalupit kong Ingles na speech para makitabi lang sayo e tinitigan mo lang ako ng panandalian, sabay balik pagbabasa. Puta sino ba namang hindi mabuburat ng ganun? Oo, sige na, konyo na kung konyo at malamang hindi ka nakikihalubilo sa mga tulad kong ordinaryong mamamayan lamang, pero what happened to respect and courtesy (tangina nosebleed)? Yun siguro, kaya naimprinta na sa utak ko yung pagmumukha mo, pati tumindi pa lalo ang galit ko sa mga sosyal at gwapong katulad mo. Kala niyo kayo lang ang tao sa mundo.
Kaya lalo akong nabubuwisit kapag nakikita kita, kasi hindi mo natatandaan yung nangyari. ‘Di mo man lang naisip na minsan sa masaganang buhay mo, may isang Aoi ka na natarantado. Pero sa bagay, bakit naman yun tatatak sa utak mo? Malamang may mga bagay na mas dapat kang alalahanin, tulad ng ano ba? Chicks? Kotse? Pagpaparty? ‘Di naman ako mayaman, ‘di ko maiintindihan yan.
Pero ‘di ko talagang maiwasan na kumulo dugo ko kapag nakikita kitang dumarating sa loob ng Starbucks, lalo na kapag nasa loob na ako. Tapos nagkataong libre yung couch na lagi mong tinatambayan? Hay nako, ‘di mo lang alam kung gaano ko gustong upuan yung couch na yun tapos itaas yung paa ko dun sa isa pang couch para ‘di ka makaupo. Pero hindi naman ganun katigas ang mukha ko, at feeling mo naman, gagawin ko yun.
He, buwiset. Bakit ba napaka-bitter ko? Antagal nang nangyari ‘to a, matatapos na ang term. Pero pano ba naman kasi ako makakaget-over kung sa tuwing ginawa na lang ng diyos na pupunta ako sa branch ng SB nay un e nandun ka? Minsan gusto ko na nga lang pumunta dun sa Starbucks dun sa may school niyo kaso natatakot ako na baka makita kita dun. Pero malamang sa malamang ‘di kita makikita dun kasi andito ka nga.
Hay nako, walangya. May mga bagay pa ako na mas dapat intindihin kesa sa pagmumukha mo. Tulad nitong presentation namin na, as usual, ako ang gagawa tapos sila tagaplano. May nagbago ba? Wala naman.
Yan, nakaalis na silang lahat, ako nalang ang natitira. Nakatitig lang sa laptop kasi wala pang maisip na ilalagay para sa presentation. At hindi ko parin tapos inumin yung milk latte na kanina ko pa inorder. At wala pa akong balak ubusin siya kasi biglang umulan. Masarap matulog. Tinanggal ko muna si Lappy (laptop) dun sa mesa at linagay dun sa couch na katabi - oo dito ako nakaupo ngayon sa couch na lagi mong inuupuan. Kasi dito na nakatengga yung mga kagrupo ko kanina at tinatamad na akong tumayo (wala na rin kasing bakanteng upuan). ‘Di ka ganun ka-espesyal para iwasan no. At mukha namang hindi ka na dadaan dito, umuulan e. Unat-unat lang muna, sabay lagpak sa mesa. Wala namang paki ang mga tao dito kung tumihaya ako dito o kung ano; masyadong busy ang mga tao. Siyempre, pasahan ng kung anu-ano.
Tingin lang sandali sa labas. Nakakakalma pala panoorin yung ulan, lalo kung nakikita mo yung mga raindrops na dumudulas sa glass. Lalong nakakaantok. Umayos ako ng sandali, kailangan magtrabaho. ‘Di ko masisimulan ng maayos ‘to sa bahay kaya mabuti pang simulan ko na dito. Palipasin ko na rin muna yung ulan, dedbol ako kung mabasa si Lappy. ‘Di ko lang maiwasang maisip kung lumipat ka na kaya ng ibang branch ng Starbucks kasi hindi ko pa naaaninag ang anino mo simula pa kanina. Siyempre ayos yun, wala nang mambubuwisit sakin. Pero talagang nakakapagtaka lang, kasi lagi talaga kitang nakikita kapag nandito ako, walang palya yun.
Sige, game face on, at binalik ko na yung laptop sa mesa. Sinaksak ko yung earphones ko kay Lappy, kailangan ng matinong rock, hindi yung tulad ng jazz music nila dito na parang umuutot lang. Partida pa at gagawa ako na walang gamit na mouse, matagalang gawaan ‘to dahil hindi naman ako sanay. Pero masaya namang gumawa na walang mouse, challenging. Inom ng pakonti-konti sa latte. ‘Di ko man lang namalayang isang oras na pala akong gumagawa (at ubos na rin yung iniinom ko) hanggang sa may naramdaman nalang ako na tumatapik sa balikat ko.
Tangina naman ang lapit mong makalapit.
Siyempre nagulat ako, napaatras, at masama ang tingin sayo. Napansin kong kumunot yung noo mo, may sinasabi ka pala. Tinanggal ko muna yung earphones ko tapos napangiti ka.
Langya.
“Is this seat taken?” tanong mo sakin, may American accent pa tangina, konyong konyo. Pero sa ‘di ko mawaring kadahilanan, hindi ako nabuwisit.
“Uh… no, not really,” medyo pagalit kong sagot, at napakunot lalo noo mo, yun tipong akala mo ata sasakmalin ko mukha mo. Pero ‘di ka nag-back off.
“Mind if I sit here?” tanong mo, pero ano pang magagawa ko e nakaupo ka na diyan? Siyempre tatango na lang ako, nandiyan ka na e.
Sana pala naibalik ko na yung earphones ko ng mas mabilis para ‘di ko na naring yung sunod na sinabi mo.
“Um… I know it’s kinda rude to ask but… are you mad at me or something? I don’t think that you’re that unfriendly but…”
“Ah… hindi ako galit, hindi ako galit,” mabilis kong sagot, sabay tawa ng awkward, nakakaintindi ka naman siguro ng hindi Ingles, no?
Tapos ngumiti ka, tangina ang liit pala ng ngipin mo (oo na, maganda na ngiti mo, matagal ko nang alam yun), tapos tawa. Tinanggal mo yung bag mo tapos iniwan mo sa couch, sabay tayo. “Well in any case, I think I should treat you to something. Mukhang matagal pa yang gagawin mo, right? Payment for intruding your space.” Tapos wala ka na, nandun ka na sa counter, nag-oorder.
Habang tinititigan kita dun sa may counter (at ikaw nakatitig din sakin, nakangiti - siyempre langya naman ako iiwas ng tingin), ngayon ko lang napagtanto na siguro nung una kitang nakita, kaya hindi mo ako napansin kasi nakasalaksak sa tenga mo yang Skullcandy headphones mo (yan, yang nakasuot sa leeg mo). Baka nga naman hindi mo lang ako narinig, kasi mukhang maayos ka naman palang kasama. Hindi tulad nung iba na suplado.
Napa-blush tuloy ako ng malupit, sabay kunyari balik dun sa ginagawa ko, kahit ang ginagawa ko na lang eh pagki-click sa kung saan-saang parte ng desktop ko. Nakakahiya, pero buti na lang. Buti na lang talaga.
Isang libreng tall vanilla latte din yan (at mukhang marami pang iba).
✖
English translation