Pitong Lawa

Jan 31, 2012 21:43

Isang alaala ang lumutang sa aking isipan noong kinuwento na galing sa San Pablo, Laguna si G. Samar. Noong nasa ikatlong taon ako sa High School, nagkaroon kami ng Educational Outboud Program sa Seven Lakes sa San Pablo, Laguna.



Sa pagkakaalam ko noong bata pa ako ay di gaanong malayo ang Laguna sa Manila. Kaya nagtataka ako kung bakit nakaabot kami ng halos isang oras sa bus kahit na alam kong nasa Laguna na kami dahil sa mga salitang 'Laguna' na nakasulat sa mga tindahan. Ayun pala, ang San Pablo ang pinakadulong lungsod ng lugar.

Doon sa San Pablo nakatira ang tanyag na Seven Lakes. Tatlo lamang ang pinuntahan namin dahil kulang kami sa oras. Ang alam ko ay ang lawa ay isang maliit na anyo ng tubig dahil napapalibutan ito ng lupa. Subalit nalinawan ako na marami pa itong katangian na hindi gaanong alam ng karaniwang tao. Habang lumalangoy at naglalaro kami sa mga lawa, nadagdagan ang aking kaalaman tungkol sa ganitong anyo ng tubig:

1. Malalaman ang edad ng isang lawa sa lalim nito. Sinubukan namin kung gaanong kalalim ang Lawa ng Calibato, na sinasabing bata pa lamang. Mayroong instrumento na napakahabang lubid na may bilog na bakal na nakatali sa dulo. Nang ilublob namin ito sa tubig, hindi pa naabutan ng bakal ang sahig ng lawa kahit ubos na ang lubid na ipanlulublob. Ibig sabihin nito bata pa ang Lawa ng Calibato.






 Dito susubukan ng kaklase ko ang lalim ng lawa.

2. Ang sususnod na pinuntahan namin ay ang Lawa ng Pandin. Sinasabing matanda na ito, ibig sabihin mababaw na ang lawa, kaya pinayagan kaming lumusong at lumangoy. Dahil ang lawa ay alam na maliit na anyo ng tubig, ang Lawa ng Pandin ay napapalibutan ng lupa, kung saan doon na nakatira ang ilang tao. Nang makilala ko ang mga nakatira doon, nalaman ko na dahil sa lawang ito, nagkaroon sila ng kabuhayan at umaasa sila sa kagandahan ng kalikasan para sa kanilang pangangailangan imbes sa mabilis na buhay ng lungsod.






      Ilan ito sa mga kaklase ko na lumusong sa Lawa ng Pandin.      
3. Makikita sa isang banda ng lawa ay may nakatayong mataas na bundok. Bago umuwi ay umakyat kami sa burol sa tabi rin ng lawa, dahil may nakatagong lawa pala ito sa likod ng bundok. Ito pala ang kakambal ng Lawa ng Pandin, ang Lawa ng Yambo. Habang nasa tuktok kami ay nakikita namin ang bilog na hugis ng malinis at bughaw na lawa. Sabi sa amin ay wala pa ang nakakababa at sumubok lumangoy doon o pag-aralan ang lawang iyon dahil mahirap itong puntahan ng tao sa tarik ng mga bundok na nakapalibot. Naisip ko na mainam rin na hindi pa nahahawakan ang lawang ito dahil ito lang ang paraan para mapanatili ang ganda nito.



4. Hindi lang kabuhayan ang naibibigay ng "kambal na lawa" 'ika nga sa mga kababayan ng San Pablo kundi pati rin ang mga alamat o kwento ng mga matatanda. Kwento raw ng mga matatanda doon na noong araw ay may taong nahulog at nalunod sa Lawa ng Yambo. Nang nawalan ng pag-asa ang mga tao na hanapin siya, bigla siyang umahon sa Lawa ng Pandin. Sabi niya na lumangoy lang siya ng lumangoy hanggang sa makita niya ang liwanag. Paniniwala ng mga tao noon na ang kambal na lawa na ito ay konektado sa ilalim.

Pag-uwi namin galing San Pablo, Laguna, nalaman ko na ang isang paraan na madagdagan ang ating mga alala ay sa pamamagitan ng mga pangyayaring naranasan. At maaalala ko ang San Pablo at ang kanilang pitong mahiwagang lawa.

---

Sanggunian:

Seven Lakes of San Pablo. http://roadtrip9s.multiply.com/photos/album/11/Seven_Lakes_of_San_Pablo (accessed February 3, 2012)
Flickr. http://www.flickr.com/photos/ton70/5160892576/ (accessed February 3, 2012)
Facebook. http://www.facebook.com/profile.php?id=599687621 (accessed February 3, 2012)

Previous post Next post
Up