Dagat at Langit (Sea and Sky)

Jan 19, 2008 22:09

title Dagat at Langit
genre romance, angst
type prose, fiction, original
length 497
rating PG-13
language Tagalog
description This was the last piece we submitted to MPs10. We were free to write about anything, as long as we kept the word count under 500 words. I remembered the view from the airplane window on my first plane ride. At a high elevation, I couldn't find the boundary between the sea and the sky. This story is about people becoming confused about the limits of love and friendship when they're already so involved with each other, or in general, failing to see the small essential things when you look at the big picture. This was also written in second POV, and this is the first time I've actually tried.
warning: Hints of a male same-sex relationship
date 2007-03-20


Naaalala mo pa ba ang unang araw na kayo'y nagkakilala? Ginugulo ka nu'ng mga lalakeng 4th year, umeksena at inilayo ka sa mga ito. Nag-usap na kayo simula noon. Nagkataon na marami kayong magkaparehong interes.

Kapag dumudungaw ka sa bintana habang nakasakay ka sa eroplanong mataas na ang lipad, napapansin mo bang parang naghalo na ang langit at dagat?

Napansin mo ba, ang bilis niyong naging malapit sa isa't isa? Ilang buwan lang ang lumipas, ay naging matalik na kayong magkaibigan. Gumaang ang loob mo sa kanya, at hindi ka takot na sabihin sa kanya ang lahat ng sikreto mo. Sinasabi niya rin sa 'yo ang lahat. Kampante ka kapag kasama mo siya, at malamang ay gano'n din siya sa 'yo. Parati kayong magkasama, hindi kayo naghihiwalay.

Puro bughaw na lang ang nakikita mo, at ang manipis na linyang naghihiwalay sa kanilang dalawa ay parang lumalabo--- nawawala.

Dito ka na ba naguluhan? Sobrang malapit na kayo sa isa't isa, ay umabot na asa puntong para kang nasasakal kapag wala siya? Hindi ka na ba mapakali kapag alam mong may kasama siyang iba? Tama bang makaramdam ka ng ganito? Paano ka naman hindi malilito? Paminsan-minsan, ang mga kamay niyo'y napupunta sa mga lugar na hindi pinupuntahan ng kamay ng mga magkaibigan lang.

Pero kahit ikaw ay nalilito, wala kang pakialam dahil masarap ang pakiramdam kapag mataas na ang lipad ng sinasakyan mong eroplano. Iba ang sayang nadarama mo, isang uri ng saya na hindi mo madarama kapag ikaw ay nakatapak sa lupa.

Sinubukan mo bang ipagtapat sa kanya ang nararamdaman mo? Hindi. Itinago mo ang lahat dahil natakot kang mawasak ang relasyong meron kayo ngayon. Mahirap ang may itinatago sa kanya, pero sapat na ang ligayang natatamasa mo noon para bawiin ang pait na dulot ng kaguluhang ito. 'Yun ang akala mo noong una. Pero mali ka.

Pa'no nga ba natin malalaman kung hanggang saan ang dagat, at saan nagsisimula ang langit?

Hindi ka ba talaga nakapagpigil no'n? Ang alam mo ay may kasama siyang iba. Wala kang karapatang magselos, dahil magkaibigan lang kayo. Kung ipinagtapat mo lang ang kaguluhan sa isip mo, baka nagkaroon ka na ng karapatang maramdaman ang nararamdaman mo. Noong makita mo siyang muli, hindi ka nakapagpigil at tumama ang pisngi niya sa iyong mga kamao. Nagulat kayo pareho, at hindi mo napaliwanag ang ginawa mong ito. Ilang araw kayong hindi nag-usap.

Ah. Siguro, kapag umapak muli sa lupa at tumayo sa may dalampasigan ay magiging malinaw na ang hangganang ito.

Ano'ng nangyari nu'ng humingi ka ng tawad? Ngumiti lang siya, at agad niyang tinanggap ang sorry mo. Naintindihan kaya niya ang nangyari? Hindi mo alam, ngunit isang bagay ang sigurado. Dumistansya na siya mula sa 'yo, at parang gano'n na din ang gusto mong gawin. Nagbalik ang lahat sa simula. Pero ayos lang sa 'yo, dahil nabigyan ka muli ng pagkakataon na balikan ang lahat, at mas mabuting masusuri kung hanggang saan lang ang dagat at saan nagsisimula ang langit.

warning: slash, genre: romance, oneshot, prose, language: tagalog, genre: angst, year: 2007, rating: pg13, original: fiction

Previous post Next post
Up