Aug 18, 2014 13:35
BABALA: Ang post na ito ay mahabang-mahaba
Doding,
Biglaan kang dumating sa aming bahay, at tuluyang binago ang aming buhay. Mahirap ka mang hagilapin, ngunit ramdam namin ang iyong presensiya. Nang minsa'y nagkatagpo ang ating landas, ang titigan natin sa isa't isa ay parang walang wagas. Ngunit ito'y tinapos mo, nang marahan kang naglakad papalayo, tumalon at tumakbo, pabalik sa lungga na tinutuluyan mo. Iniwan mo para sa akin ang padesal na kinakain mo.
Nitong mga nakaraang araw, kay lola ka nagpapakita. Isang saglit ka lang niya makita, magpupumiglas ka na sa pagtakas, at magtatago na, upang magpalakas muli sa susunod na labas mo.
Sinubukan ka naming hulihin ng ilang beses, ngunit ika'y laging nakakawala. Ano ba ang aming dapat gawin upang ika'y mawala? Mamulot ng pusang gala?
Doding, parang awa mo na, magpahuli ka na. Ayaw ka na naming makita. Baka sa susunod, mala-pusa na ang iyong itsura!
P.S. Akala ko ba kaibigan mo ang mga saging? Bakit sila ang paborito mong kainin?