![](http://bp2.blogger.com/_q5yY8R3CasM/R0LW2MCelGI/AAAAAAAAAHE/b0h6WouTEdw/s320/PICT1979.JPG)
sa Ateneo de Naga
Nung bata ako, wala akong kaibigan. Maraming tao noon na iniisip nila na malapit sila sa akin, ngunit ako? Mailap ako sa kanila. Lalo na sa mga ka-edad ko. Di kasi nila ako maintindihan. Iba raw talaga iniisip ko, masyadong malalim, masyadong seryoso. Ang bansag sa akin ng iba, "gifted child" o kaya "genius." (Malala kasi ang colonial mentality sa skwelahan namin, kaya Ingles lagi ang bansag.) Umabot na rin sa punto na binansagan akong "autistic." Ayos lang. Palagay ko naman kasi talaga may high-functioning autism ako, di lang na-diagnose.
Noon, naisip ko, pag namatay ako, gusto ko maalala bilang "magaling na Trina." O "matalinong Trina." Kahit ano, basta nagpupunyagi ito sa laman ng utak ko. (Ito pa ang mga panahong obsessed ako sa mga results ng IQ tests noon sa school, at tuwang-tuwa ako dahil ang resulta ng akin ay hindi pang-karaniwan.) Yun lang kasi ang palagay ko noon na maaari kong iambag sa lipunan. Di ko gusto ang itsura ko noon (insecure). Di pa rin ako ganun kaayos magsulat, at medya-medya lang ang mga likha kong dibuho.
Ngayon? Masasabi kong matalino ako. At di ko kailangan pa ang mga IQ tests para masabi ito. May mga nagsasabi rin naman na may itsura ako. At mula sa point-of-view ng photographer (kuno), masasabi ko na medyo maganda pala ang rehistro ko sa camera (parang ugly duckling na naging swan lang).
May natutuwa rin sa mga dibuho ko, napupuri ako dahil maganda raw ang mga ito. Gayundin sa mga kuha ko gamit ang camera, at ang mga akda ko. At marunong na rin ako mag-ayos ng website.
Ngunit ayoko na ito ang maalala ng mga tao. Ang mga ito, naintindihan ko pagtanda ko, kaya naman yan gawin ng kahit sino e, ilagay lang sila sa katayuan ko. Ang mahirap e magmahal. Yung ibubuhos mo ang buong kaluluwa mo para sa iisang hangarin o tao. Yun ang mahirap.
Yun ang gusto kong maalala sa akin. Na ako'y taong nagmahal. Nagmahal, kaya nagbuhos ng oras at lakas para sa kalayaan ng Bayan. Nagmahal, kaya naglingkod sa Sambayanan. Nagmahal, kaya nakaintindi na kailangan niyang talikuran ang nakasanayang komportableng pamumuhay. Nagmahal, kaya nakita niya na may pangangailangan pang mas matindi kaysa sa sarili niyang pangangailangan. Nagmahal, kaya kumilos para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon. Nagmahal, kaya kahit buhay, kayang ialay.
Pag ako'y lumisan na, sana ganito niyo/nila ako pag-usapan:
"Ah si Trina? Oo, matalino yan, manunulat, matanong, model, lights designer, photographer, at kung anu-ano pa. Ma-epal kasi yan e."
"Pero higit sa lahat, nagmahal yan."