Ang taga-bundok na Boch. Bow.

Mar 30, 2008 20:23

Ang huling pasyal yata ni Annika, noong January pa. Noong February kasi laging umuulan, noong March naman may sakit kaming lahat. Matagal na siyang hindi nakapunta sa sibilisasyon. Kaya dinala namin siya kanina sa Stockholm Quality Outlet para makabili naman ako ng bagong jeans at mahanginan naman ang bata. Pero sobrang bulok ng timing namin, kasi dumating kami 4:30pm, pinalaro namin si Annika sa mga slide, tapos pumasok kami sa Levi's store ng 4:55pm. Hindi namin alam na ang closing time nila tuwing Linggo, 5pm pala. Kaya wala ring nabili si Mamma na bagong jeans :( babalik na lang siguro ako. Magpapapayat din muna (asa pa ako 'no).

Pero balik muna tayo sa slide kasi may kwento ako tungkol doon. Mataas kasi at ang mga ibang batang nandoon mas malalaki (mga 5 years old o mas matanda pa) tapos sumisigaw habang umaakyat sa jungle gym, kaya kinabahan ang aking chikiting. Meron pang pogi na batang lalaki na lumapit agad sa akin at nag-aya, "Vill hon leka med någon? Jag vill leka med henne" (Gusto ba niyang makipaglaro? Ako gusto kong makipaglaro sa kanya) at kinukulit niya si Annika habang umakyat sila sa slide. Noong nandoon naman na sila sa taas, ayaw mag-slide ni Annika kasi gusto niyang sumama ako (sa matataas na slide malapit sa bahay, sinasamahan ko siya, madalas naman kasi walang tao kaya hindi ako nahihiya). Ayun, nagka-traffic dahil maraming bata naghihintay sa likod niya. Mga tatlong minuto din siguro siya nandoon sa taas at nagpupumilit na "Mamma slide! Mamma slide!" bago siya sumuko at nag-slide na din. Noong umakyat uli, sinubukan naman niya yung isang tunnel pero umiyak noong nasa gitna na kasi gusto niyang sumama ako. Napa-akyat tuloy ako para iligtas ang humahagulgol na bata. Haaaaay, ang buhay talaga ng nanay na sobrang in demand.

Tapos habang nagsusukat ako ng jeans umiiyak siya sa labas ng changing stall kasi hindi ako makita. Pero noong lumabas na kami sa Levi's store, ayaw naman sumakay sa stroller at ayaw din magpahawak ng kamay sa akin o sa Pappa niya. Parang kung sinong siga na naglalakad sa Quality Outlet na suot ang kanyang pink na furry jacket, red na boots, at pink and red na hat at bitbit ang kanyang baso na may gatas at litrato ng tatlong penguin. Sayang hindi ko dala ang camera, kasi ang maton talaga ng dating niya noon. Napahiya daw kasi noong umiyak, kaya pinapatunayan niyang big girl na siya.

Nag-hapunan kami sa isang pizzeria at mabait naman ang bata, nakaupo lang sa tabi ko at kumakain ng french fries, chicken nuggets, at baon namin na yoghurt. Pero noong pauwi, pagkababa namin sa bus e nagwala kasi nakakita ng escalator. Wala daw noon sa bundok namin, gusto niyang sumakay. Sign siguro ito na kulang talaga siya sa lakwatsa, kung nagwawala siya dahil lang sa escalator.

annika bea & mommy stuff

Previous post Next post
Up