Aug 26, 2010 13:16
Pakibigay na muna ng kakaunting pasensya habang binabasa ang tekstong ito dahil hindi ako magaling magsalita o magsulat sa wikang Filipino, ngunit ginagawa ko ito upang alamin ninyo na kayo ang kinakausap ko.
Maraming pangyayaring dinaranas natin bilang taong Pilipino sa ating kasaysayan. Nakaranas tayo ng kahirapan at sakit sa ilalim ng mga Kastila, Amerikano, Hapon at tuluyan tayong naghihirap sa ilan nating kapwa-Pilipino.
Noong Lunes, iba naman ang nangyari. Tayo ang nagbigay sakit sa mga mulang Hong Kong. Alam ko na hindi lahat ng Pilipino ay gaya ni Rolando Mendoza. Kahit naghihirap tayo dito sa Pilipinas, kakaunti lamang sa atin ang nagiging kasing desperado ni Mendoza, kahit na ang dami-dami nating nakikitang negatibong balita sa dyaryo, radyo at telebisyon. Kahit ito ang imahe ng Pilipinas - mga purong naghihirap, mga kumokontra sa batas - mga iilan lamang sila sa milyong-milyong tao dito. Ngunit, dahil sa mga nakikita nating balita, ang sarili nating pananaw sa Pilipinas ay na masama tayong tao. Hindi! Ito ay tinatawag nating SENSATIONALISM...at isang halimbawa nito ay ang pagbibigay halaga sa masamang pangyayari. Mabuti nalang na ang GMA ay may "Good News" at "Kapusong Totoo" parte ng 24 Oras. Hanggang SECTION na lamang ba ng kabuuang balita ang mabuting balita?
Oo, nangyari ang "hostage situation" doon sa Quirino Grandstand. Kung pinanood ninyo ang mga pangyayari doon, hindi ba nakakahiya na ang daming palpak na stratehiya ang PNP upang iligtas ang mga biktima? Hindi ba nakakahiya na ang mga halatang solusyon sa pagligtas ng mga biktima ay hindi alam ng PNP? Hindi ba nakakahiya na nang binaril si Mendoza ay naging usisero ang mga Pilipino bago ginawang "secure" ang paligid? Bago inilabas ang mga biktima sa bus? Inuna ang mga Pilipino ang PAGTINGIN sa bus, na ilang minuto pa lamang ang nagdaan ay punung-puno ng karahasan, kalungkutan, at takot? At habang naroon ang mga Pilipino, ang bus na iyon ay punung-puno na ng kamatayan? HINDI BA IYAN NAKAKAHIYA? Wala naman silang ginawa kundi manood at naging sagabal sa PNP, SWAT at medic, at lalo na sa pagligtas sa mga turista.
Napakarami na ang kritisismo na nakarating sa Pilipinas tungkol sa pag-"handle" ng sitwasyon noong araw na iyon mula sa iba't-ibang bansa, tapos ang dami-dami pa nating dahilan kung bakit palpak ang pagligtas: kulang sa armas, kulang sa kagamitan, KULANG SA TRAINING. Alam na dapat nila na kulang sila sa training. Hindi ba nila nakikita ang balita? PURO NEGATIBO! PURO MAY NASASAKTAN! PURO MAY UMIIYAK! Kung nanonood sila, dapat alam nila ang kakulangan bilang taga-protekta ng ating bansa, ngunit wala. Maari naman silang humingi ng tulong mula sa ibang bansa! Ang lapit-lapit naman ng Hong Kong! Kung ganoon, hindi lahat ay umaasa sa mga Pilipino, mga kulang sa training at mga usisero.
Dinadagdagan lang natin ng dayap ang mga sugat na nagmula sa pangyayaring ito. Kung tumingin tayo sa internet, napakarami nang nagagalit sa Pilipino - hindi lamang dahil sa nangyari, ngunit pati na rin sa mga tuluyan nating ginagawa. Parang ang manhid natin eh! Ginawang TOURIST SPOT ang bus, mga estudyante, mga dumadaan lamang, mga PNP! Ang dami-daming larawan na inilagay sa internet - na may kasamang ngiti. Wala ba tayong malasakit at awa sa nangyari?
Mahiya tayong lahat. Ipinagmamalaki ang karamihan sa atin ang pagiging Pilipino, ngunit, ano ba talaga ang pinagmamalaki natin? Ang pangyayaring "hostage situation" kung saan maraming namatay o nasaktan? Baka nakakalimutan natin na may mga pamilya rin sila, at may ilan sa kanila ay nawala na ng kapamilya dahil sa pangyayaring iyon.
Alam na natin ang ating kakulangan bilang taong Pilipino. Alam din natin na higit na marami sa atin ay mabubuting tao (at wala ako sa kategorya ng mas mabuting tao). Kaya humihingi tayo ng tawad mula sa Hong Kong. Ngunit, paano ba nila tayo ipapatawad kung ako man lamang ang nahihirapang magpatawad ang Pilipino (at ako ay kasama rito)? Hindi lamang dahil hindi tayo si Rolando Mendoza ay wala tayong kasalanan.