The one that got away

Jun 23, 2015 20:31

The one that got away
by daiminnie

Word count: 1,773 words
Pairing: Xiumin x Luhan, Luhan x Chen (XiuChenHan)
Genre: IDK slight angst maybe? Also, written in Tagalog.
Rating: G
Summary: Mahalaga pa bang mas sweet si Jongdae kaysa kay Minseok? Ang babaw namang dahilan no'n para basta na lang niya iwan ang taong handa siyang patuloy na mahalin nang tapat kahit pa tatlong taon na ang nakalipas nang iwan niya ito nang walang pasabi.

Also posted at AFF.


Tumingala si Luhan mula sa kanyang ginagawang plates. Dumating kasi sa study area ng kanilang boarding house si Minseok, bitbit ang kanyang laptop, at naupo sa mesa di-kalayuan. Itutuloy na sana ni Luhan ang kanyang pagguhit ngunit tila hinahatak ng maliliit na galaw ni Minseok ang kanyang paningin.

Wala namang kakaibang ginagawa si Minseok. Nagta-type lang ito at manaka-nakang click dito, click doon. Tahimik lang. Bahagyang kumukunot ang noo sa pag-iisip. At magkaminsa'y bumubulong sa sarili na tila kinakausap ang sarili.

Binalikan na ni Luhan ang kanyang plates. Nagsimulang gumuhit ng bilog. Sulyap kaunti kay Minseok. Tapos gumuhit ng mga linya. Sulyap ulit kay Minseok.

Pagtingin niya sa kanyang papel, lumiko na pala ang kanyang linya.

"Ano ba yan, Luhan," bulong niya sa sarili. "Ayusin mo nga. Tatlo pa ang tatapusin mo oh..."

Sa peripherals niya, nakita niyang lumingon si Minseok sa kanya ngunit nang babatiin na niya ito ng kanyang gummy smile, nakabaling na ulit si Minseok sa kanyang tina-type, kung ano man iyon.

Medyo napahiya naman si Luhan, sa isip niya, dahil kung nakita na siya ni Minseok, bakit hindi man lang siya tinawag nito o binati man lang?

Madiin na binubura ni Luhan ang nagkamaling linya at pinalitan ito ng mas tuwid. Sulyap na naman kay Minseok. Pero hindi na ulit ito tumingin sa direksyon niya.

"Aish, Luhan, concentrate..."

Marahang inilapag ni Luhan ang kanyang lapis at dinaganan ng kanyang cellphone ang plates bago dahan-dahang lumapit na nang tuluyan kay Minseok.

"Um, hi Minseok," maingat niyang sabi, alangan dahil baka isnabin siya nito.

"Oh, hello Luhan," masiglang bati ni Minseok pero hindi man lang siya nilingon nito. Tuluy-tuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa.

"Anong ginagawa mo?" tanong ni Luhan, sabay hila ng pinakamalapit na silya upang tabihan si Minseok. "Busy-ng busy ka ah."

"Oo nga eh. Uh, feature article 'to para sa publication namin."

"Ah."

Medyo awkward.

Patuloy lang na pinagmasdan ni Luhan si Minseok habang nagtatrabaho ito. Kilala niya si Minseok: ayaw nitong naaabala habang nagsusulat. Ganito talaga siya, tuluy-tuloy lang na tumutulay ang mga ideya niya mula sa kanyang utak papunta sa kanyang mga kamay at mahaba-haba na rin ang nagagawa niya. At habang pinagmamasdan ni Luhan ang pagragasa ng mga letra sa screen, nasa ikalawang pahina na ng Word document niya si Minseok. Hindi mapigilan ni Luhan ang humanga.

Pero naalala rin niya kung sino ang naunang nang-iwan.

Oo, may tatlong taon na ang nakalipas, high school pa sila noon, at naging sila. Isang masiglang relasyon na inaasahan ng lahat na mauuwi sa kasalan sa kanilang pag-graduate. Pero hindi na nangyari iyon dahil nakilala ni Luhan ang bagong kaklaseng si Jongdae nang magkolehiyo na sila-sa unibersidad na pinili nila ni Minseok para kahit magkaiba sila ng kursong gustong pag-aralan ay magkakasama pa rin silang dalawa.

Si Jongdae, parang si Minseok din-masayahin, mabait, maalaga, matalino-pero hindi siya tulad ni Minseok-malambing siya, ma-skinship. Si Minseok kasi, ni hawak ng kamay, ayaw-lalo pa ang yumakap, gayong gusto ni Luhan na ipakita sa lahat ang pagmamahalan nilang dalawa.

Habang sila pang dalawa ni Minseok, naging sila rin ni Jongdae. Isa itong lihim na mahirap itago dahil sa mga pagkakataong ayaw halos bumitaw ni Jongdae sa kanyang braso at ayaw siyang iwan kahit saan siya magpunta. Ayos lang naman si Luhan sa ganun dahil nae-enjoy niyang makasama si Jongdae. Nakikita niya si Minseok sa katauhan ni Jongdae, mas sweet nga lang na version.

Nabawasan na ang pagkikita nila ni Minseok, idagdag pa na talagang siksik ang kani-kanilang mga schedule. Lagi na ring busy si Minseok sa kanyang napiling kursong Creative Writing. Ni hindi na sila makapag-usap man lang sa telepono.

Sa kabilang banda, lalong nadagdagan ang interaksyon nila ni Jongdae na walang dudang kapareho niya lagi ng schedule at kapareho ng mga gawaing pagkakaabalahan. Nagagawa pa nilang gawin ang mga assignment at project nila nang magkasama habang nagkukwentuhan tungkol sa mga random na bagay.

Naisip ni Luhan na malinaw nang hiwalayan ang magiging uwi ng kawalan nila ng komunikasyon ni Minseok kaya tinuluy-tuloy na niya ito at naging sila na ni Jongdae.

To: Me
From: Minseok
Luhan, kamusta ka na? Pasensya na, sobrang busy ko lang nitong mga nakaraang araw, hindi na tayo nakakapag-usap. Nami-miss na kita. Magkita tayo? Gusto kong makabawi.

Natanggap ni Luhan ang mensahe na iyon habang magkasama sila ni Jongdae na kumakain ng tanghalian at kinukwentuhan siya nito ng kanyang mga karanasan sa high school kaya hindi na sinagot ni Luhan ang mensahe.

At ang mga sumunod pa.

To: Me
From: Minseok
Luhan, nasaan ka ba ngayon? Busy ka ba? Pupuntahan kita.

To: Me
From: Minseok
May klase ka ba? Naaabala ba kita? Tawag ka naman pag break time niyo na.

To: Me
From: Minseok
Luhan-ah~ Magsisimula na ulit yung klase namin. Hindi magkasundo yung schedule natin. Pero tawag ka pag free ka na, okay? I love you.

Nilagay ni Luhan sa silent mode ang kanyang cellphone at patuloy na nakipagkwentuhan kay Jongdae dahil sa totoo lang, wala na silang klase-free na si Luhan buong hapon para makasama ang ipinalit niya kay Minseok.

Sumapit ang gabi at tumatawag na si Minseok sa kanya pero hindi niya naririnig ang mga ito dahil ibinaon na ni Luhan sa kailaliman ng kanyang damitan ang kanyang cellphone.

Hanggat maiiwasan ni Luhan si Minseok, iiwasan niya ito para lang hindi na sila makapag-usap pa. Andoong magkunwari siya na hindi niya ito napapansin kapag magkakasalubong sila sa campus o pagtataguan niya ito. Hindi niya kasi alam ang sasabihin. Hindi niya alam kung paano harapin ang umiiyak o nagagalit o nagwawalang Minseok dahil sa nasaktan niya ito. Paano ba sabihin sa taong nakasama mo ng apat na taon na hindi mo na siya mahal?

Pagkalipas ng isang semester, isang text mula kay Minseok ang natanggap niya.

To: Me
From: Minseok
Sana kung ayaw mo na pala, nagpasabi ka man lang. Hindi yung basta mo na lang akong iiwanan nang nakabitin at naghihintay sa wala.

Parang piniga nang mahigpit ang dibdib ni Luhan sa nabasa. Naramdaman niya ang hinanakit ni Minseok. Kilala ni Luhan si Minseok-hindi ito iyakin at marunong itong magkontrol ng emosyon subalit nai-imagine niya itong nakaupo sa isang sulok na parang bata at tahimik na lumuluha habang hawak ang kanyang cellphone at sine-send ang mensaheng ito sa kanya. Magaling talagang magtahi-tahi ng salita si Minseok dahil sa iilang characters, naipadala nito kay Luhan ang hinagpis na nadarama dahil sa kanyang pang-iiwan.

Minahal naman niya talaga si Minseok pero palagay niya, mas mahal na niya si Jongdae. Si Minseok ang kahapon at Jongdae na ang kinabukasan.

Minsan, nagkita-kita sila Luhan at ang kanyang mga barkada noong high school dahil sa birthday ng isa sa kanila.

"Happy birthday, Zitao!" bati ni Luhan sa kaibigan. "Kamusta ba?"

Siyempre, sa birthday celebrations na ganito, hindi mawawala ang mga kwentuhan. At hindi lang ito malamang kwentuhan. Maya-maya lang ay nagse-setup na ng mesa si Yifan sa kanilang harapan, isang bote ng Empi, isang shot glass at isang platito ng chicharon at suka.

"Oh, Luhan! Inom!"

Sa totoo lang, hindi siya marunong uminom. Pinagbawalan siya dati ni Minseok na makipag-inuman, kahit pa sila Yifan ang nag-aaya.

"Dali na, Kuya Luhan, minsan lang," sabi ni Zitao. "Birthday ko naman."

Marahang tinanggap ni Luhan ang alak at inamoy ito. Isang hingang malalim at ininom niya ang nilalaman nito. Kasabay ng init na gumuhit sa kanyang lalamunan ang isang mabigat na pakiramdam sa kanyang puso; tila may nilabag siyang batas, parang may mali.

"Ayan!" natutuwang sabi ni Yifan. "Tutal naman, wala na kayo ni Minseok, siguro naman wala nang nagbabawal sa 'yo na uminom, ‘no?"

"Uy, speaking of Minseok," sabi ni Yixing, "nakasalubong ko siya nung isang araw."

Hindi kumikibo si Luhan pero iba na ang tingin ni Yifan at Zitao sa kanya.

Nagpatuloy si Yixing. "Mag-isa siyang naglalakad sa SM. Kaya biniro ko kung bakit wala siyang ka-date. Ngumiti lang siya..."

"Tapos?" pag-uusisa ni Yifan.

"Tapos napansin ko lang na kahit ang ganda ng ngiti niya, hindi abot sa mata niya. Alam mo ‘yun, pare? Parang ang lungkot-lungkot niya deep inside."

"Pagkakaalam ko nga wala pa rin siyang bagong boyfriend ngayon," sabi ni Zitao. "Eh halos two years na ah?"

"Marami naman daw nagkakagusto kay Minseok eh," sabi ni Yifan. "Ayaw lang daw niya talaga kahit paulit-ulit nilang sabihan na magsimula na ulit makipag-date, kwento ni Baekhyun sa akin."

"Siguro may mahal pa rin siyang iba..." may halong panunuksong sabi ni Yixing.

Hindi mapakali si Luhan sa nagiging takbo ng usapan kaya nagsalin siya ng panibagong shot ng Empi at uminom ulit.

"Uy, ako na shot!" reklamo ni Yixing.

At eto, halos tatlong taon na pagkatapos ng hiwalayang hindi naman naging malinaw, sila pa rin ni Jongdae at on speaking terms na sila ni Minseok kahit papaano. Madalas na rin silang magkita dahil nagkataong sa boarding house pala na tinutuluyan ni Minseok napalipat si Luhan nang magsara na ang dati niyang boarding house, one sem ago.

At ngayon, habang pinagmamasdan pa rin ni Luhan si Minseok na nagpa-pout habang nag-iisip ng title sa kanyang feature article, naalala niya ang mga dating nararamdaman para sa taong katabi niya sa mga oras na ito-ang saya at lungkot na kanilang pinagsamahan sa loob ng mahabang panahon, mga sikretong pinagsaluhan at itinago para sa isa't isa, mga katangian ni Minseok na kanyang nakabisado at nakintal sa kanyang isipan at hinding-hindi na mabubura kahit kailan, mga pangarap na sabay nilang binuo ngunit ngayon ay magkahiwalay na tinutupad...

Mahalaga pa bang mas sweet si Jongdae kaysa kay Minseok? Ang babaw namang dahilan no'n para basta na lang niya iwan ang taong handa siyang patuloy na mahalin nang tapat kahit pa tatlong taon na ang nakalipas nang iwan niya ito nang walang pasabi. Ni hindi na nga nila nabanggit ang tungkol doon noong unang beses na magkausap ulit sila pagkatapos ng mahabang panahon. Bagkus ay parang wala na lang nangyari.

Pero nararamdaman pa rin ni Luhan... nararamdaman pa rin niya ang pagmamahal na sigurado siyang hindi niya deserve.

"Tapos ka na?" tanong ni Luhan habang pinapanood si Minseok na i-save ang kanyang ginawa. "Bilis ah."

Nilingon siya ni Minseok nang diretso sa mata at agad na hinanap ni Luhan ang tingin nito na punung-puno ng pag-ibig sa kanya... kahit ano na magpapaalala kay Luhan na si Minseok ang nararapat para sa kanya, kahit ano na magpapamukha sa kanya na mali ang naging desisyon niya dati.

Pero malamig na ang mga mata ni Minseok.

"Oo. Sige, balik na ko sa kwarto ko," sabi nito, sabay tayo sa kinauupuan, kipkip sa ilalim ng kanyang braso ang kanyang laptop.

Natulala si Luhan at wala na siyang ibang nasabi kundi, "Good night, Minseok."

A/N:
1.       Lumang fanfic na naisulat ko, end of 2013. Nahukay ko lang sa folder ko and medyo nanghinayang naman ako kasi hindi ko pala na-post man lang sa loob ng isang taon at kalahati.
2.       Alam ko, hindi na dapat binabalikan ‘yung mga ganitong klaseng angst sa buhay kasi everything’s fluffy now.
3.       Originally, POV ni Minseok. Pero ibagay natin sa current affairs with EXO, Luhan is the one that got away LOL.
4.       Comments are loved even before they arrive. But please let them reach destination (aka comments section). Asks are welcome. Place them here @ http://ask.fm/jysong0228.

author: thedarklordinhiding, genre: angst, rating: general, fandom: exo, length: oneshot, exo: xiumin, pairing: xiuhan, author: daiminnie, exo: chen, exo: luhan

Previous post Next post
Up