I have a confession to make. The manuscript of which the following 'prologue' belongs to is one that I've been working on for almost a year. I fail hard. (It's in Tagalog, btw, not full English).
Oh where, oh where is my Harlequin? And WTF with the xxxHolic 'ending'?!? Come on, CLAMP... T-T
Synopsis
Ang maging guest si ‘Angel Yeshua’ sa kanyang birthday party: iyon ang nag-iisang wish ng batang inaalagaan ni Alicia. At dahil dating ka-close si Rufus Espinosa-ang ngayo’y sikat na actor na gumaganap bilang ‘Yeshua’ sa teleseryeng Color of Magic, sinubukan ni Alicia na personal na kumbidahan ang binata sa naturang selebrasyon.
Emphasis on ‘dati’.
Alicia could accept the fact na hindi siya makikilala ni Rufus after 14 years... pero ang magaspang nitong pag-uugali nang magkatagpo ulit sila? Never. Turned off to the highest level sa attitude problem ng aktor, laking sorpresa na lamang ng dalaga nang sumipot pa rin ito sa birthday ni Niña. Inalayan pa siya ng bulaklak!
Ngunit sincere nga kaya si Rufus sa paghingi ng paumanhin, o gusto lamang ayusin ang nasirang imahe noong maisa-publiko ang ‘unangelic’ behavior nito? Tunay ba o acting lang ang affection na ipinapakita nito sa kanya at kay Niña? One thing’s for sure: regardless sa sagot, unti-unti pa ring nahuhulog ang loob ni Alicia sa binata...
‡ Prologue ‡
Isang tagpo, may labing-apat na taon na ang nakalilipas.
Dapithapon. Papalubog na ang araw sa bandang kanluran. Dalawang bata ang matatanaw sa tuktok ng isang burol, nakaupo sa lilim ng punong mangga. Si Sha-sha, ang batang babae, sa duyang gawa sa matibay na lubid at lumang sako ng bigas. Si Bochok, ang batang lalaki, sa nakausling ugat ng yaring puno.
Nakabukas ang mga kamay ni Bochok, ikinukumpas at pinagbabaliktad upang ipakita na walang laman ang mga iyon. “Walang kukurap!” anito, na pilit pinalalaki ang matinis pa nitong tinig. “Hep! Walang kukurap!”
Pagdaka’y pumalakpak din si Bochok, mabilis-isa, dalawang beses. Ginawang kamao ang kanang kamay, samantalang sa ibabaw noon ay pinagwawagaywzay nito ang mga daliri ng kaliwa. “Abra!” sigaw ng batang lalaki. “Ka-dabra! Sis! Boom! Bah!”
Muling ibinuka ni Bochok ang kanyang kanang palad. Wala, napasimangot na sapantaha nito. Walang laman iyon. “Anak naman ng-”
“Tch, palpak ka na nga, magmumura ka pa,” napahagikgik namang suway ng nag-iisang manonood nito. “Hay naku, Bochok.”
Nagpameywang ang batang lalaki. “Nakow, esmyuskee ho, Madame Sha-sha Ma’am,” eksaheradong pasubali nito. Napalabi pa, saka kinalkal ang medyo malago nitong buhok. “Nakakainis naman kasi. Paalis na nga ako’t lahat bukas, pero ‘di ko pa rin magawa nang tama… ‘asan na ba ‘yun?”
“Heto o.” May pinulot si Sha-sha na makinang na bagay sa damuhan. Isang singsing. “Tumalsik ‘ata nu’ng nag-a-‘abra-ka-dabra’ ka d’yan na parang sira… O.” Iniabot nito iyon sa kalaro.
Umiling si Bochok. “’Wag na,” anang batang lalaki. “Ih… ah, ipapahabilin ko rin naman sa ‘yo ‘yan, eh.”
“H-ha?” Kinurapan ni Sha-sha ito. “So sa ‘kin na ‘to, gano’n? Seryoso?”
“Hinde, sira,” namumulang tanggi ni Bochok. “‘Habilin’ ang sinabi ko. Habilin. Ibig sabihin, sa ‘kin pa rin ‘yan. Ipinauubaya ko lang sa ‘yo hanggang sa balikan ki… h-hanggang sa balikan ko kayo rito sa bahay-ampunan.” Tumikhim ito. “K-kaya paka-ingatan mo ‘yan palagi, ha, Sha! Itabi mo, o isuot mo sa daliri mo-”
“Siraulo. Paano ko naman maisusuot ‘to, eh ang luwag?”
“I-kuwintas mo. Paki ko ba? Basta-”
“Lalo namang hindi magkakasya ‘to sa leeg ko, ano!”
“Ewan ko sa ‘yo.” Tinakpan ni Bochok ang sariling mukha. Pumikit. Nang muling idilat ng batang lalaki ang mga mata ay nakaumis na ito, banayad na tinutunghayan ang katabi. “Alam mo, Sha-sha,” paseryosong anas nito, “ma-mi-miss kita. Puwera na ‘yang pamimilosopo mo.”
“Ikaw rin naman, eh,” balik doon ng kababata. “Ma-mi-miss din kita… puwera ‘yang pagka-madyikerong pulpol mo, Bok.”
“A-ah.” Muling napatikhim si Bochok. Inilipat ng bata ang tingin sa malayo, sa direksyon ng bahay-ampunan. “Eh di ayos.”
Katahimikan.
“Sha-sha…” pagdaka’y panimula ulit nito. “‘Alicia’ nga ang tunay na pangalan mo, ‘di ba? Nakita ko du’n sa kuwaderno ni Sister.”
“Oo.” Dagling humigpit ang hawak ni Sha-sha sa singsing. “Bakit ba?”
“W-wala lang,” ani Bochok. Nagkibit-balikat ito. “Maganda ‘yung pangalan, eh… kagaya mo. Bagay sa ‘yo.”
“Gano’n?” Sa kung anong kadahilanan, nag-init ang mga pisngi ni Sha-sha. “Eh ikaw ba?” siyang banat naman ng batang babae rito. “Ano naman ‘yung totoong first name mo, Bok?”
“Ako?” Napaisip ang tinanong. Sa itinagal ng pamamalagi nila sa Sisters of Mercy, tanging sa mga dokumento lang ginamit ni Bochok ang pangalang ibininyag sa kanya ng pari. “… Rufus,” karaka’y wika nito.
“‘Rufus’, huh.” Tumango-tango si Sha-sha, ngumiti. “Bagay rin sa ‘yo. Tunog-madyikero eh.”
“Ay ‘sus.”
“Totoo,” giit ni Sha. “Kesa naman ang stage name mo eh ‘D’ Amazing Bochok’, ‘di ba? Yak. Eew.” Umasta itong nasuka sa posibilidad. “Tama,” patuloy pa nito, na animo’y naliwanagan, “mula ngayon, ‘Rufus’ ka na, Rufus!”
Si Bochok na hindi na ‘Bochok’ ay napangiti. “Puwes, kung gano’n eh ‘Alicia’ ka na dapat.”
“Sure ba.” Napasandal si Sha-si Alicia-sa duyan. Natahimik ito sumaglit, ngunit sa huli’y kinausap muli ang kababata. “Rufus…?”
“Hm?”
“Babalik ka talaga, ha.”
“Siyempre. Sinabi ko na, ‘di ba?”
Yumukod si Alicia. “Iingatan ko ‘tong singsing ng inay mo,” patuloy ng bata, “kaya babalik ka, ha?”
“Oo nga sabi.” Nag-panata pa si Rufus. “Promise ‘yon. Peksman, mamat-” Kagyat na napapitlag ito. “T-teka, ‘wag kang umiyak, oy! Sha… Ali-”
“S-siraulo,” pakli ng kalaro. Suminghot ito, pasimpleng kinuskos ang mga mata. “Sino’ng umiiyak? N-napuwing lang ako… ano.”