Prologue

Aug 10, 2009 15:41

The following is the lj cut for the prologue of manuscript number 2. It got cut to keep to the 100-page limit. It's Nancy Suarez's story... you know, the girl that Jairus Espiritu (the handsome main char from My So-Called Boyfriend) supposedly got pregnant. She goes after her real true love, Lawrence, at the end. This is the prologue to what happens...



Dèshabille
by Monica Bautista

♦♦♦
Prologue
♦♦♦
MALAYA na siya.
That is to say, malapit na. Ilang hakbang na lang papasok ng airport, hayun. Gahol man sa oras ay mukhang maaabutan ni Nancy ang kanyang flight. Kung pwede lang sana’y tatakbo siya-at kung hindi siguro siya limang buwan nang buntis ay tumalon at nagawa na niya iyon pagkabukas na pagkabukas pa lamang nina Nigel at Ate Fides ng pintuan ng sasakyan-pero sa halip ay minabuti na lamang niyang bilisan ang paglalakad.
Ang damit na kanyang suot ay hindi sa kanya; gayun din ang mga damit sa loob ng duffel bag na kanyang bitbit. Ang pera niya’y bigay lamang. Lahat ng kanyang maituturing na ari-arian-ang mga mamahaling damit, ang mga alahas na ipinamana ng kanyang yumaong ina, ang kanyang dalawang kotse, mga credit cards-lahat naiwan niya. Napilitan siyang iwan.
Hindi bale na. Hayaan nang manatili ang mga iyon dito sa Pilipinas. Kung akala ng kanyang ama ay mapipigilan siya nito sa pamamagitan ng panggigipit sa kanya financially ay nagkakamali ito. Ang importante ay nai-secure nila ni Fides ang kanyang passport at iba pang dokumento para makalabas ng bansa. Ang mahalaga ay nandito siya ngayon, nakawala na sa wakas sa mga galamay ng kanyang sakim at makasariling Papa, malayo-at magpapakalayu-layo pa-sa kasal na plinano nito.
Kumusta na kaya si Elaine? Si Jairus? By this time ay tiyak niyang nalaman na ng lahat ang pakikipagpalit na ginawa niya sa tunay na babaeng mahal ng kanyang fiancee. Naka-alis ba sila sa simbahan? Nakatakas ba sila nang maluwalhati? Hindi sana sila sundan at tugisin ng apat na bugoy na alagad ng kanyang ama-
“Miss Nancy.”
Natigilan siya sa paglalakad. Napalingon. Doon, hindi hihigit sa anim na talampakan ang layo sa kanya, nakatayo si Dingdong, ang de-bigoteng punong-alalay ng kanyang ama.
“… Dong,” nanlulumong bati niya rito, saka nagpatuloy sa paglalakad. Binilisan pa lalo, hangga’t masilayan niya kung sino-kung sinu-sino-ang naka-abang sa may unahan niya.
Si Sam, na naka-shades, as usual, at si Richard, na tahimik na pinagmamasdan siya sa ilalim ng cowboy hat na suot nito. Pawang mga matatangkad at maskuladong lalaki lahat, nakaharang sa likuran at sa daraanan niya. Mga tipong mapapagkamalan mong goons ng kontrabida sa isang pelikulang pinagbibidahan ni FPJ. Kung ibang tao ang siyang kumaharap sa ganoong sitwasyon, malamang nangalambot na ang mga tuhod ng tao na iyon sa kaba, at hindi lang kokonting budbod ng takot.
Ngunit hindi ‘ibang tao’ si Nancy. Maliit na paslit pa lamang siya’y kilala na niya ang mga ito. Higit pa roon, anak siya ng itinuturing na ‘Boss’ ng mga ito. Kung kaya’t sa halip na lumuhod at magmakaawa ay pinandilatan niya sina Richard at Sam, at ang lider nilang nakatayo sa kanyang likuran.
“Paraanin n’yo ko,” malamig na utos ng dalaga.
“Pinababalik na po kayo ni Boss,” anang isang boses naman sa bandang kanan niya. “Handa po siyang kalimutan ang lahat, basta umuwi na kayo.” Si Piolo iyon, halatang napilayan sa paa ngunit nagmamatigas pa ring maglakad sa kanyang patent leather boots. Hayag din ang may-kalakihang bukol sa kaliwang sentido nito. Aminado namang medyo napalakas ang pagkakahataw rito, kani-kanina lamang. Sino nga bang mag-aakala na si Nigel, ang baklang kaibigan ni Ate Fides na siyang pumalit dito bilang driver ng bridal limousine, ay black-belter pala sa judo?
At any rate, mariing umiling si Nancy sa iminungkahi ni Piolo. “I’m sorry, but I won’t be going back.” Hindi, hangga’t ‘di niya nakakaharap muli si Lawrence. Maaaring hindi na rin kailanman. “So either you stand aside and let me through,” patuloy pa niya, na matamang tinitigan sina Sam at Richard, “or I would have to go through you.”
Hindi man ang tipo ng mga tao na madaling masindak, waring natigilan ang dalawang alagad ni Don Emilio. “Sumusunod lang po kami sa ipinag-uutos ni Boss,” ani Sam, saka tumingin, nalilito, sa lider nilang si Dingdong.
“Siya nga po, Miss Nancy,” siyang sabat naman ni Piolo. “At para rin naman po ito sa ikabubuti ninyo-”
“Sa ikabubuti ni Papa, ang sabihin mo,” pangontrang singhal ng dalaga. “Piolo-lahat kayo, ang ‘ikabubuti’ ko ngayon ay anumang lugar na malayo sa ama ko.”
Sa Paris, more specifically. Ang siyudad kung saan kasalukuyang nagtatrabaho ang tunay na ama ng kanyang dinadala sa sinapupunan. Ang lungsod kung saan naroroon si Lawrence. Not that sasabihin niya iyon sa mga alagad ng kanyang Papa, at baka masundan pa siya ng mga ito roon.
Naglakad palapit sa kanya si Dingdong. Hinarap siya. “Sa kalagayan n’yong ‘yan, baka makasama pa sa inyo ang bumiyahe. Sa inyo at sa inyong magiging anak.”
“Kakayanin namin ng anak ko,” giit ni Nancy. “‘Wag kayong mag-alala.”
Sa bandang itaas nila, umalingawngaw ang impersonal na boses ng isang babae, nag-aanunsiyo na ‘Flight 47 bound for Paris is now boarding. All passengers please proceed to Gate 11.’
Sinikap ni Nancy na hindi mapatingala sa narinig. Flight niya iyon. “Kaya sa halip na magsayang kayo ng oras dito sa maling akalang may pag-asa pang sasama ako sa inyo,” patuloy niya, “umuwi na lang kayo.” Huminga siya nang malalim. “Ito ang sa tingin ko ay makabubuti sa akin-sa amin ng anak ko. Malamang ay mas pinaniniwalaan ninyo si Papa tungkol sa ideya niya sa kung ano ang tama o mali para sa akin, pero igalang n’yo sana ang desisyon ko. Matanda na ako. May sarili na ‘kong pag-iisip. May sarili na ‘kong buhay. Nakapagpasya na ako.”
And with that, nagpatuloy muli sa paglalakad ang dalaga, tanging sakbit ang duffel bag na pahiram lang sa kanya ni Fides.
Awa ng Diyos, hindi na siya hinarangan pa nina Sam at Richard. Maging si Piolo at si Dingdong, hindi na siya sinundan pa. Pawang natahimik silang lahat sa inilahad niya sa mga ito.
Sa itaas, mula sa mga speakers na nagkalat sa loob ng Ninoy Aquino International Airport, muling umalingawngaw ang boses ng babae na nagtatawag ng mga pasahero sa Flight 47 bound for Paris.
Dumiretso si Nancy sa Gate 11-sa kalayaan-nang wala nang iba pang aberya.

monica bautista, tagalog romance novels

Previous post Next post
Up