Binti
Ang aking napiling bahagi ng katawan upang talakayin dito ay ang aking mga binti. Kung tutuusin ay simple lang ang bayolohikal na halaga nito. Ginagamit ang binti para buhatin ang aking katawan at idugtong ito sa aking mga paa para ako ay makalakad at makapunta sa kung saan ko man gusto o kailangang pumunta.
Ngunit higit pa dito ay nagkakaroon din ito ng ibang halaga dahil sa pagtingin at pagturing ng lipunan sa mga binti ng isang babae. Halimbawa, madalas ay naaasar ako na hindi ako makapagsuot ng masyadong maikling palda o korto dahil nabibigyan ito ng ibang kahulugan ng mga tao kahit na napakasimple lang ng mga sarili kong dahilan sa pagsuot ng mga ito.
Madalas ang dahilan ko ay ang init ng panahon. Ni hindi na nga ako nagsusuot ng maong na pantalon dahil hindi ito preskong uri ng damit. Ang sinusuot ko lang ay ang mga damit na maganda ang bentilasyon sa katawan, at kasama na dito ang maikling palda at korto. Ngunit madalas kapag nagsusuot ako ng ganito ay sobrang pinagtitinginan ako ng mga tao, lalo na dahil matangkad ako at mahaba ang aking mga binti. Naiinggit nga ako sa mga babaeng maliit dahil nagagawa nilang magsuot ng maikli at ni hindi it mapapansin ng ibang tao.
Naiinis ako na sa tuwing nagsusuot ako ng maikli ay kung titigan ako ng mga lalaki ay parang sobra na silang may karapatan na tingnan ako sa kung paanong paraan at kung gaano katagal nilang gusto. Nabasa ko rin ilang beses na akala ng maraming lalaki na kapag ang babae ay nagsusuot ng maikli ay nagpapapansin ito sa kanila, kaya sa tingin nila ay sobrang ayos lang na tumitig kahit medyo nakakabastos na. Ang masasabi ko lang tungkol sa paniniwala nilang ito ay sobrang walang katotohanan ito, lalo na kung iisipin mo na karamihan naman ng lalaki na madadaanan ko sa isang araw ay halos wala naman itsura at madalas ay medyo may kapangitan pa nga. Kung tutuusin, sobrang pili lamang ang mga lalaking nanaisin kong akitin, at madalas ay paisa-isa lang ako nagkakagusto sa lalaki. Kaya kung may mag-isip man na lalaki na ang pagsuot ko ng maikling palda o korto ay dahil gusto ko siyang akitin, sobrang laki ng posibilidad na niloloko lang niya ang kaniyang sarili, lalo na kung wala siyang kaitsu-itsura.
Kahit ang aking mga magulang at ilan sa aking mga kaibigan ay pinupuna ako sa tuwing nagsusuot ako ng maikli. Hindi raw disente na kita ang aking mga binti. Ang lahat ng ito na nabanggit ko hanggang ngayon ay ang iba pang kahulugan o pagtingin na nabibigay sa aking mga binti higit pa sa bayolohikal na halaga nito.
Ang mga kahulugan o pagtingin na ito marahil ay nanggagaling sa lipunan, sa kung ano ang idinidikta nilang dapat; kung ano ang disente. At ang mga binti ng isang babae ay madalas nabibigyan ng seksuwal na kahulugan, kaya sa konserbatibong lipunan natin ay “nararapat” na huwag itong masaydong iladlad. Ito ay isang magandang halimbawa ng pulitika sa katawan. Sa iyo nga ito ngunit pipilitin pa rin ng lipunan ang kanilang pagtingin at “tamang” pagdala. At ito ang nagiging lunan ng mga tunggaliang nabanggit ko sa papel na ito. Kanino ba talaga ang aking mga binti, at bakit kahit kaunting sobra lang ang mapakita ko sa mga ito ay randam na randam ko na ang pagtitig sa akin ng mga tao? Ngunit hindi ko rin sigurado kung purong impluwensya lamang ng lipunan ito o may kinalaman din dito ang natural at bayolohikal nating seksuwalidad.
Hindi ko sigurado kung ano ang binibigay kong kahulugan sa aking mga binti dahil ang totoo ay bihira ko naman silang isipin. Kung ang ibang tao ay nabubulabog sa aking mga binti, ako naman ay sanay na sanay na. Malayo man sa pagiging perpekto ang aking mga binti, alam ko naman na mahaba, maputi at makinis ang mga ito -mga katangiang nabansagang “maganda” o “kanais-nais” sa ating lipunan. At ang totoo ay hindi ko naman mamasamain na may maakit dito dahil sa tingin ko ay natural lang na maakit sa parte ng katawan ng ibang tao. Ang kinakainisan ko lang ay kapag nararamdaman ko sa titig ng isang tao, lalaki man o babae, na parang sila na ang may buong karapatan sa aking mga binti, kung sa pagnanasa man o sa panghuhusga. Sana maalala nila na pagmamay-ari ko pa rin ang mga ito, at sana sila na ang medyo mahiya sa akin imbes na ako pa ang mag-iisip sa kung ano ang tingin nila sa akin at sa aking mga binti.
*This is one of my papers for Pan Pil 19 --the only subject I'm been required to write in pure Filipino. Nosebleed and I'm too repetitive with a lot of words due to a very limited vocabulary, but ah well. Basically the paper was about what other meanings your body is given aside from its biological function, and we were asked to pick a specific part. This also talked about body politics and an individual's power struggle with society with regards to his own body. Something like that.
*korto is Tagalog for shorts, I think. At least according to the online translator I've been using.
*Just so we're clear, those thighs in the photo aren't mine. Wish ko lang no, haha :P
Catherine