Camera.

Jun 22, 2007 14:57

Saan ba nakuha ang salitang camera?

madalas nangyayari sa akin - at least twice na sa talambuhay ko - na kung sakaling may hawak akong camera n'un, eh may kuwento nang nabuo, gumagalaw man ang kuwadra o hindi.

pinag-isipan ko pa man buksan pa ang camera bag ko ngayon para alamin kung may supply pa ako asa400 para bukas, eh di naisip ko rin sana dalhin ngayon, pero hindi, lumakad na ako papuntang trabaho, aktwali mag-isip-isip lang today ng dapat makita sa music video na posibleng projekin, at tapusin ang bahagi ng dalawang kantang dapat ko nang matapos para tapos na siya.

pagdating sa taas ng overpass ng philcoa, nandoon yung mangangantang bulag na gumigitara, tulog sa ilalim ng payong niya, sakbit-sakbit pa rin ang electric. gusto ko sanang kunan ng picture, pero parang nagnakaw na rin ako sa kaluluwa niya; nagnanakaw lang naman ng pahinga yung mama. hindi man siya yung pinakamagaling na mangangantang kalsadang narinig ko, may karapatan pa rin siyang matulog sa trabaho. wala lang, gusto ko lang kunan sana, dahil huli akong nakakita ng gitaristang nakatulog sa stool na hawak-hawak pa ang gitara eh si piyaps pa kamo, day after christmas na siyang katatapos lang rin ng birthday niya, nakasandal rin sa gitara, nakatulog sa stool na pambatang nabibili sa karitong-baka'ng galing pang pangasinan, pagkagising pa nga niya tuloy lang ang paggigitara, tapos nagtimpla ng oatmeal pagkatayo. may pictures rin ako nun, pero di maganda, matanda na at pagod, dahil alam kong masama ang intention, nagnanakaw lang ako sa kanyang kaluluwa.

pagsakay ko sa jeep papuntang hiway, gilid na upuan sa harap, padaan pa lang ng parks&wildlife, sa harap nito sa canal na bahagi ng diliman creek tumatakbo hanggang kanto ng agham, naliligong hubo't-hubad ang isang aleng magsisingkwenta, lahat ng taba niya sa bintilikodtiyan nakalawlaw sa gitna ng daan. di naman sa tingin ko taong grasa, sa palagay ko nakatira doon sa community sa gitna ng wildlife at lungsod ng kabataan; siguro nawalan lang ng tubig kaya doon na naligo; pero di ko rin masabi, dahil sino ba naman maliligo doon sa ganoong oras, wala man lang tipan ang kanyang nakaluluwa.

di pa man ako umabot ng agham, sa harap pa lang ng lungsod, gumilid ang jeep, kung saan nagtanong ang isang ale kung dadaan ba itong jeep sa may bantay bata sa west triangle. tinitigan ko ng matagal ang mukha ng ale; maraming peklat na mukhang nasunog siya minsan. tinitigan ko lang ng saglit yung batang hawak-hawak niya sa kamay, nakatayo, tila apat na taon ang gulang. mukha wala namang depekto, pero di natin masabi, dahil nasa harap tayo ng lungsod ng kabataan.

"while i breathe, i hope", sabi ng dyip na katabi namin, nang sumakay sila dahil sabi ng driver ibababa raw sila doon. nang habulin uli kami sa kanto ng dyip na may kataga, bumaba na ako, at pagtawid ko naman "don't keep the faith (spread it around)", ang sabi ng mama sa t-shirt niya.

umakyat na ako sa mrt, kung saan halos di na silipin ng lady guard ang loob ng aking bag, dahil mas intersado naman talaga siya kausapin ang boy guard na kanyang katrabaho tungkol sa text na natanggap ng isa sa kanila, siguro tungkol sa lovelife niya.
Previous post Next post
Up