Akyat

Aug 29, 2007 18:10

Daming bundok,daming mga bato; pero iisa pa ring akyat. Iisa ang dahilan, ang makarating sa tuktok at makita kung ano ang nanduon.

Maraming nagtatanong, ano ang naruon? Ano ang dahilan kung bakit nagpipilit makarating sa iisa rin namang patutunguhan.

Maraming sagot; iisang dahilan.

Nuon, madalas akong manghatak ng makasama: kahit sino, basta na lang maka akyat. Pero unti unti, nakita ko na ang pamumundok, at ang pag akyat sa bato ay di para sa lahat. Na hindi pare pareho ang nakikita namin. Ito ang dapat isa alang alang, at sa huli ay dapat ding igalang.

Maraming nakilala, yung iba naging kaibigan: nakasama, nakilala, nakasalamuha. Ngunit sa paglipas ng panahon ay nagkanya kanyang landas na rin. Yung iba nagpatuloy, yung iba nakalimutan, yung iba naman iba na rin ang pinagkaabalahan.

Tuwing tinitingnan ko ang mga larawan nang mga akyat na ito, muli kong nakasama ang mga bundok at alaala nito -- at dun ko mapapag tanto na di ako iniiwan ng bundok at mga bato; hindi sila umaalis.

Sa huli, kami pa rin ang magkasama ng mga bundok at bato: sa gitna ng ibat't ibang mga dahilan, ang landas patungo sa bundok at bato ay iisa pa rin.

Naghihintay.
Previous post Next post
Up