kung hindi mo alam

Jul 23, 2006 21:41


mahilig akong mamangka sa ilog,
magtampisaw sa mainit na bukal,
lumangoy sa sapa at dagat,
sumakay sa alon, mamaybay
sa dalampasigan, maramdamang
nanunuot sa daliri ng mga paa
ang pinong-pinong buhangin,
magpalipas ng oras nang nakababad sa tubig
para di maramdaman ang init ng araw
o para samahan lamang ang tala at buwan.
kung hindi mo ito alam hanggang ngayon
hindi mo ako kilala.

gustong-gusto ko ang lumang simbahan
simbahang bato, kahoy, kawayan, nipa o tisa,
pagmasdan ang hugis ng pinto at bintana,
ang mga guhit at kulay sa salamin,
ang mga ukit, painting at estatwa,
ang korte ng tore,
pakinggan ang tunog ng kampana,
hanapin anumang natitira
sa mga sinupil sa dating relihiyon.
ugali kong pumasok kung walang misa
at magbuhos ng hinaing sa palad ng birhen
at magpasalamt sa lahat ng biyaya
gaya ng anghel na kasama-sama
kong magbisita sa mga lumang simbahan.
kung hindi mo ito alam hanggang ngayon
hindi mo ako kilala.

ibig kong umakyat ng bundok paminsan-minsan
magbaging sa mga puno,
at humiga sa mga bulaklak,
kilalanin ang mga dahon
na pwedeng kainin
at pwedeng panggamot,
pumasok sa kuweba na mistulang gubat
sa loob ng kagubatan,
maglakad sa ulap,
maligaw paminsan-minsan ng landas
at mapatunayan na laging may gumagabay
palabas, pabalik sa pinanggalingan.
kung hindi mo ito alam hanggang ngayon
hindi mo ako kilala.

kasiyahan ko ang lumipad,
makarating sa malayo,
mapadpad sa di-kilalang lugar
sa walang kakilala,
sumakay sa bus
nang walang plano
ni pahintulot ninuman,
nang walang patutunguhan
at walang balak kung saan
matutulog o kailan uuwi
sa iniwang pinggan at kaldero,
labada at alikabok sa piano,
nang di iniintindi ang basura
o kung naisara ang bintana 
o nakakandado ang pinto 
o kung isang kutsaritang tutong
na lamang ang laman ng rice cooker,
sumagap ng sariwang hangin,
umangkas sa ipo-ipo,
sa karpet, sa walis-tingting,
sa ibon sa pakpak ng paruparo,
maabot ang mga mahal ko
nang walang sasakyan.
kung hindi mo ito alam hanggang ngayon 
hindi mo ako kilala.

nais kong alamin ang buhay ng iba
kung bakit pumasok na katulog
ang isang tinedyer para lang mapag-aral
ang nakababatang kapatid na lalaki,
kung bakit hindi malayasan ng kapitbahay
ang nambubugbog niyang asawa,
kung bakit hindi bitiwan ng nobya
ang nanggagahasa niyang boyfriend,
ung bakit hindi na inuumaga ang lasenggo
nang maghubad sa kalye ang asawa,
kung bakit sige pa rin sa pagbubuntis
ang iskuwater para mabigyan si mieter ng ana
na lalaki pagkatapos ng anim na anak na babae,
kung bakit hindi naiiba ang mga GRO at kabit
sa ilang mayamang misis,
ung bakit may rali, martsa, giyera...
kung hindi mo ito alam hanggang ngayon
hindi mo ako kilala.

maligaya rin akong mapag-isa
sa isang lugar na walang telepono
o kartero o fax o email,
maging malayo sa sibilisasyon,
malayo sa polusyon,
mag-isip at magpantasya,
magbasa ng nobela, maghabi ng tula,
magpili ng mga lihim
sa dadalhin hanggang langit,
at hindi kailangang ngumiti nang ngumiti
o tumawa sa kakornihan
at maburyong sa gawaing-bahay
at mabagot dahil di mapagbigyan
ang mga nuna sa talampakan.
masarap maghimay ng mga alaala
ng mga kaibigang
nagpapataba ng puso,
mga di-mapantayang sandali
sa burol sa kinukumutan ng dahon,
sa tabing dagat sa hinahagkan ng mga alon,
sa silid na binabalutan ng mga bituin.
paminsan- minsan kailangang mapag-isa
nang walang pumupulupot sa akin
at wala akong sinasandalan.
kung hindi mo ito alam hanggang ngayon
hindi mo ako kilala.

-Marra PL. Lanot-

i never imagined such a poet could literally speak my heart and mind out... this poem represents what i really and truly am.. :)

Previous post Next post
Up