Minsan pakiramdam ko may 'pause' button ang buhay ko. Alam ko namang ako ang may kasalanan e. Ako yung humihinto, ako yung naglalaho. Pero ewan, ang hirap kasing maging in denial. Pinupuno ko ang mga araw ko ng mga walang kwentang bagay kasi ayoko pang harapin yung mga bagay na hindi ko matanggap. Oo hindi na nga ganun kasakit kapag iniisip ko si daddy pero alam ko rin na hindi ko pwede ipagpaliban habambuhay ang pag-aayos ng gamit nya, ang pagpunta sa bahay nya, ang pagdalaw ko sa lola ko (na nanay nya).
Ang hirap palang sagutin yung simpleng tanong na "okay ka lang ba?", lalo na kung in denial ka pa. Ngayon, pag may nagtatanong sa akin nyan, ang sagot ko: "...as okay as anyone could be in this situation, siguro." Sabi sakin ni
zephkun bilib daw sya sakin kasi mga bata pa lang kami matapang na ako, matatag ako, hindi ako basta-basta. Na-realize ko (at sinabi ko rin kay Jen) na matapang ako noon kasi alam ko kung sino ako, kung ano ako, at secure ako sa kinalalagyan ko. Pero paano na kung mawala yung pinanghahawakan mo? Paano kung yung pinagkukunan mo ng tapang, nawala? Saan ka na pupulutin non?
Ang daling sabihin na "kaya mo yan," pero paano kung hindi mo alam kung gusto mo pang kayanin? Ayoko mang aminin (kasi nga in denial ako ngayon, ano ba, LOL) pero sumuko na yata ako e. Ang sakit pala non, ang malamang sinukuan mo na ang sarili mo.
May part ng isip ko na nagsasabing kaya ko 'to, kakayanin ko 'to. I only need to make that choice.
Eh paano nga kung ayoko nang mamili? Paano kung okay na ako sa standstill na 'to? Well, hindi naman 'okay', pero wala, wala na akong powers at willingness to care kung ano na ang mangyari sa akin. Magalit man sa akin buong pamilya ko kasi tinapon ko yung mga pagkakataon, tatanggapin ko na lang siguro. Choice ko naman 'to e.
LOL nakakapagod mag-emo. Pero di ko na maiwasan e. Naipon na yung pagkabadtrip ko sa sarili ko. Sana na lang nandito pa si mama sa Pinas. At least kahit malungkot ako, may kasama naman ako sa bahay. Mula ng umalis kasi sya dumalas na yung bad dreams ko e. Hindi tuloy ako makatulog.
Naisip ko tuloy, kung may social anxiety disorder, post-traumatic stress disorder, etc., pwede ka rin kaya magkaroon ng existence anxiety? Yung tipong ninenerbyos ka nang mabuhay? Wow. Parang ang profound nun a. Ewan. Wish ko lang may sense yung mga naiisip ko.
Kapag isang araw hindi na ako nagtweet o nag-Facebook, etc. baka ibig sabihin nun nasiraan na ako ng bait, o kaya nahulog sa manhole kasi hindi tumitingin. LOL. Wala namang magbabasa nito, ang haba na e. Pero sana, sana minsan kahit di na tayo nagkikita o nag-uusap, sana maalala nyo na once upon a time, minahal ko kayo. Kahit marami akong pagkakamali at pagkukulang sa inyo, lahat kayo tinuring kong kaibigan, lahat kayo minahal ko in my own retarded way.
O sya, tama na 'to, inantok na ako sa sarili kong pag-iinarte. Good night. Sana bukas paggising ko, matapang na ako ulit.