Awit Kay Ana
ni Eduardo Jose E. Calasanz
Walang ginagawa ang mga bituin
Kundi pagmasdan ang mga mangingibig.
Isang gabi, kapag ikaw ay umiibig,
Tumingala ka sa mga bituin.
Malasin mo ang kanilang ningning,
Ligaya mo’y sinasalamin.
Mabait ang mga bituin.
Sa mga mangingibig
Isa lamang ang hiling:
Umibig, umibig at umibig
Nang may magawa ang mga bituin.
Walang ginagawa ang mga bituin
Kundi pagmasdan ang mga mangingibig.
Isang gabi, kung masawi ka sa pag-ibig
Tumingala kang muli sa sa mga bituin;
Pati liwanag, nagiging dilim
At tamis ng puso’y dahan-dahang umaasim.
Malupit ang mga bituin.
Sa mga bigo sa pag-ibig
Labis ang hinihiling:
Umibig, umibig at umibig pa rin,
Nang may magawa ang mga bituin.