Minsan lang ako mag-Tagalog sa Livejournal. Ano ba itong sinasabi ko, eto yata ang unang beses na nag-Tagalog ako ng diretso dito. Hmmm, medyo mahirap magsulat ah. Mas madali magsalita. Nagsasalin ako sa utak ko, hindi... Teka, ano ba ang Tagalog ng "automatic"? Bwiset. At ng "anyway"? Naku hindi ko yata kaya magsulat ng mahaba sa purong tagalog. Puede, kung mali man ang pinaggagagawa ko dito eh 'wag na lang kayong magreklamo? Wehe.
O siya, didiretsohin ko na ang punto ng sinulat kong 'to para matapos na. Basta, gusto ko lang ipabasa ito sa inyong mga kaibigan kong Pinoy. E-mail lang naman siya, pinadala ng kaklase ko sa kolehiyo, 'di ko alam sino nagsulat. Pero tungkol siya sa Dekada 90. Naaliw ako sobra. Biglang naalala ko tuloy ang mga astigin na araw nung Dekada Nobenta. Yun naman talaga ako eh, bata ng 90s. Hindi ko masasabing anak ako ng 80s, kasi wala nga akong matandaan masyado noon. Masyado pa akong bata. Ang panahon ng Dekada 90 ang masasabi kong pinakamasayang bahagi ng buhay ko. Kakaiba nun eh, walang problema, sobrang saya.
Bago niyo basahin, eto muna ang mga aaminin ko tungkol sa pagkatao ko nung Dekada Nobenta:
- Adik ako noon sa TGIS! Sobrang crush ko si Red Sternberg.
- Naging rakista ako malamang dahil sa labananan noon ng hiphop at metal. Metal ang lahat ng pinsan ko. Ang saya dati sa Bicol pag nakikita naming nagtatakbuhan ang mga kuya namin pag nagrarambulan nung mga kalabang hiphop.
- Nakakahiya man sabihin, pero "team song" namin ng isa sa mga una kong naging kasintahan/boypren (tangina naman o, ang korny pakinggan, boyfriend na nga lang) ang Now and Forever ni Richard Marx at Choose ng Color Me Badd.
- Yun ang panahon na sumikat ang Take That na hanggang ngayon eh mahal ko. Pawala na sila nung nakilala ko sila (Back for Good na nun) pero nakaabot pa rin ako. Nasa akin pa rin ang iskrapbuk (tama ba yan) ko ng mga litrato at nasulat tungkol sa kanila. May VHS tape pa ako ng Greatest Hits.
- Natuwa rin ako ng konti sa Boyzone pero nung mga panahon na yon nasa Alternative na ang hilig ko.
- Sinasayaw namin yung I Saw The Sun ng Ace of Base noon sa eskwelahan. Naalala ko tuloy bigla si kaibigang Leslie na kasama ko sumayaw nun.
- Mahal ko si Patrick Garcia sa Ang TV. Obsesyon na matatawag.
- Doc Martens ang uso nun. Grunge look. Sa totoo lang, yun pa rin ang trip kong mga klase ng damit. Astig eh.
- Naalala ko ang mix tape na ginawa ko nun, ni-record ko lang galing radyo. May Baby I Love Your Way (Big Mountain), Vulnerable (Roxette), Oh Baby I (Eternal), at... idadagdag ko na lang pag natandaan ko yung iba.
- Natuwa ako sa Ghostbusters at Teenage Mutant Ninja Turtles.
- Meron ako nung Dinosaur Chuck Taylors.
- Kadikit ko si Hazel bestpren sa St. Scho buong high school. Katambay ko sa village naman si Bevs. Sama na natin sila Mark M, Jenaro, Raymond D, Mark T, Ferds, Raymond R (huwag niyo na itanong kung sino sila, basta parte ng nakaraan).
- Mahal ko ang Rivermaya noon (with Bamboo), Introvoys, at ang pinaka shempre ay ang Eraserheads.
- Nagsuot ako noon ng chaleco na may "fitted" o "ribbed shirt" sa ilalim.
- Ang unang gadget ko ay ang Snoopy Tennis Game 'N Watch. Nasundan ng portable radio. Tapos ng Aiwa na walkman. Tapos ng Easycall na beeper na nawala ko at napalitan ng Infopage na beeper (90s pa to pero nasa kolehiyo na ako). Ang huli kong gadget ay ang Motorola na pangkaskas ng yelo cellphone na ang load ay Mobiline PhonePal.
- Parang natuwa rin ako sa Universal Motion Dancers noon pero medyo lang kasi mas gusto ko yung X People (yung sumayaw ng Feel Like Dance at Xtasi Xtano) dahil astigin ang itsura nila mukhang rakista pero dancer. Sama ko na rin yung Maneuvers pero nakalimutan ko na ano sinayaw ng mga yun.
- Ang pinakamasayang taon sa Dekada 90? Unang taon ng kolehiyo sa USTe. Salamat kay Dhiems, Liset, Joyce, Abby, Tina, Mel, Bernard, Donald, Iking, Tan, Jho, Kitch, Bopeep, Ivy, Payi.
- Ang mga pinapakinggan ko noong 90s ay (sabay tingin sa lalagyan ng tapes)... Smashing Pumpkins. Wallflowers. Incubus. Eraserheads. Oasis. Green Day. Nirvana. Blur. No Doubt. Jars of Clay. Our Lady Peace. Soul Asylum. Marcy Playground. Yano. Collective Soul. The Corrs. Alice in Chains. Ben Folds Five. Matchbox 20. Savage Garden. Third Eye Blind. Hole. The Cranberries. Garbage. Rage Against The Machine. Take That. Foo Fighters. Alanis Morisette. Wolfgang. Red Hot Chili Peppers. Hanson. Sugar Ray. Bush. Rivermaya. Suede. Gin Blossoms. Sabagay pinapakinggan ko pa rin naman yan lahat ngayon eh. Malaking impluwensiya dito ang pinsan kong si Mark at ang ex kong si Iking. Salamat mga pare.
- Noon lang yata ako nagka-interes manood ng basketball sa telebisyon. Sa labanang Ginebra-Alaska, Alaska ako dati. Pero di ako masyado natuwa sa lokal. Mas sinubaybayan ko ang Chicago Bulls. Ang guapo ni Toni Kukoc!
- Wala akong ginawa nun kundi tumambay sa kalye kasama ang mga kaibigan at boyfriend(s).
- Nakakatuwa na nakilala ko si Aleq nung 1999 (Dekada Nobenta pa rin!), noong mahaba pa ang buhok niya pero hiphop. Ngayon maikli na buhok niya pero rakista. Labo! Kaya mahal ko yan.
Oo nga pala, kung nagtataka kayo, ako yan sa litrato, kinuha noong 1994. Labingtatlong taong gulang. Second year high school (parang awa niyo na, hindi ko kaya isalin yan sa Tagalog).
Sige, tama na nga ang pagpapanggap. Basahin niyo na ito. Papaturo muna ako kay
_prinsesa_ at
diskarilte pano mag-Tagalog ng maayos. Nahihiya ako sa sarili ko.
Galing sa "forwarded e-mail":
Heto ang malupet, puro pang-eighties kasi ang nilalabas, siguro talagang sobrang tanda na ng nagsulat. Kaya sa mga pinanganak nung 80's eto ang dadalaw sa inyong mga gunita during the glory days of the 90's.
1. Jolina Magdangal - kapartner ni Marvin Agustin kung saan nauso ang chuvachuchu chuvachuchu at mga parang Chirstmas tree na hairstyle at outfit. At alam na alam mong nagmula si Jolina, o Jolens para sa mga miyembro ng Jolina Magdangal Fansclub AMA Computer College Chapter, sa sikat na sikat na TV show kapag 4:30 na! ANG TV NA! Kilala mo rin sina Lindsay Custodio, Victor Neri, Francesca (Cheska) at Patrick Garcia, Vandolph, Jan Marini, Rica
Peralejo, atbp. Patok na patok din ang TGIS at ang kalaban nitong Gimik. Dapat kilala mo sina Wacks (Joaquin Torress III) at Peachy, sa Gimik naman nakilala si G Toengi na naging hostess ng Music Bureau with FrancisM na pinalitan ni Jao Mapa.
2. Kapag ikaw ay kapos na sa mga salita ay maaari mong gamitin ang mga katagang chuva, chenes, chenelin, ganun, ganun-ganun, ayun o kaya ang mga expressions na "Wala lang", "Ano ba `yan?," "OVEEEERRR," that later on evolved to "WHY NOTTTTTT??" courtesy of Kris Aquino.
3. Robinson's Galleria na napabalitang may ahas daw sa fitting room na ang pangalan ay Robina (famed sister of Robinson). Biktima rito si Alice Dixson na umano'y tumakbong naka-bra at panty lang nang makita ang ahas sa fitting room. Malamang ang balitang ito ay black propaganda ng Megamall.
4. Speaking of malls, sa panahong ito rin nauso ang arcade games (bulok pa ang Ragnarok at ano pang online gaming sa kasalukuyan) . Astig ka kapag pupunta ka ng Glico's sa Quad (Timezone sa Glorietta ngayon) tapos marunong kang mag Street Fighter o Virtual Fighter. Kung ayaw mo naman ng violence e pwede kang mag-Dance Revo!
5. Ang digmaan ng mga Hip-hop at Metal. Sabi ng Hip-hop "YO! WASSUP, HIPHOP HOOORRAAAAAYYY! " Sagot
ng mga Metal, "HIPHOP BULOK!! PUNKS' NOT DEAD! ANARCHY! ANARCHY!" Uso ito sa Megamall. Mga hiphop
na naka-pinahabang puruntong o pinaikling pantalon o kaya baggy pants, low waist, at may mga blingblings na peace sign o kaya kadena ng bisikleta o fanbelt. Ang mga metal laging naka-itim (Top 40 na tshirt, Pantera, Pearl Jam, Nirvana, Sepultura, Metallica, etc.) tapos naka-fit na pantalon at Chuck Taylor. Ang mga Hiphop ay flat tops ang buhok na may guhit pa minsan sa gilid samantalang ang mge metal ay GQ ang buhok na naka-undercut pa. Lahat ng metal marunong mag-gitara kahit ang alam lang tugtugin ay `Line to Heaven' ng Introvoys (Intro: D-A-G-A; intro lang kasi nga Intro-boys). Kung may identity crisis ka malamang ay ang papakinggan mo na lang ay si FrancisM, rap na may heavy distortion ang guitar riffs, astig ang bahista ng Hardware Syndrome with matching scratches ni DJ Kimozave at ba-backup naman ang Evil Stepsisters.
6. Eraserheads - karugtong ng digmaan ng mga Hiphop at Metal. Sila ang muling nagpauso ng Chuck Taylor. `Pare Ko' ang pangalawa sa `Line to Heaven' na alam gitarahin ng mga gustong maging katulad ni Ely. Nag-ambisyon ang lahat na mapabilang sa isang banda. Kung kilala mo ang Eheads, malamang alam mo rin ang Yano, The Youth,
Razorback, Color It Red, Mastaplann (teka, Hiphop yata ito), Dahong Palay, Reanimator, Death by Stereo, Rizal Underground, Rivermaya (na si Bamboo pa ang bokalista), True Faith, Fatal Posporos, Datu's Tribe, Tribal Fish, Arachnida, Alamid, Teeth, at alam mong hindi kano si Basti Artadi ng Wolfgang (imagine Eddie Vedder singing `Halik ni Hudas').
7. Ultimate Warrior - namatay daw dahil binuhat si Andre the Giant (na namatay din that time). May ibang balitang namatay siya dahil daw pumutok ang muscles niya sa sobrang higpit ng tali.
8. Teenage Mutant Ninja Turtles - sina Leonardo, Michaelangelo, Donatello, Raphael. Master nila si Splinter, kaibigang reporter si April O'Neal. Kalaban sina Shredder, Bebop, Rocksteady, Krang at ang mga Foot Soldiers (na parang mga
tauhan ni Dr. Man ng Bioman). Tapos uso ang retromutagen ooze na mabibilil mo sa suking SM toyland. COWABUNGA, DUDE!"
9. Ang Pepsi 349 Scandal. Kung valid man ang libo libong claims ng mga Pilipinong nakakuha ng tansan na may tatak sa ilalim na 349 ay hindi ito makaka-apekto sa lumalalang global warming na nararanasan ng mundo. Ang nakapag-
benefit lang dito ay ang Coke dahil sa libo libong nag-boycott sa Pepsi na feeling nila ay na-raket lang sila. (Parang 80's yata ito)
10. Ang Alamat ng Zagu. Ito ay ang pinasosyal na palamig, sago at gulaman. Kung anong meron dito ay ang pakiramdam na ikaw ay IN, HIP, at COOL. Ang pila dito ay singhaba ng pila sa US embassy na gustong makakita ng snow at pumunta ng Disneyland (wala pa kasing Hong Kong Disneyland e) at ang kumpol ng mga tinedyers na may supsop supsop na Zagu ay sindami ng mga lalaking naka-white t-shirt sa Kalaw na nagbabakasakaling maging seaman at OFW. Talaga naman everyone went gaga over zagu.
11. Easycall at Beeper 125. Wala lang ganun, text messaging na itatawag mo pa sa call center para masabi mong I M HERE AT HOM, PLS COME OEVR. Tapos yung may pager na nasa labas hahanap ng payphone para tawagan ang nag-page sa kanya. Kaso mahirap makakuha ng txtmate dito, di ko lang sure ko pwedeng i-page ang SAN N U? D2 N ME.Ü
12. Bago nakilala si Shakira ay sumikat muna si Thalia na mas kilala nating gumanap bilang Marimar. Pero mali ang nagsabing ito ang unang telenovela na naipalabas sa Pilipinas dahil nauna rito ang La Traidora sa channel 9. Kilala mo
siguro si Pulgoso at Padre Pio at sino bang makakalimot kay Fernando Jose na mas kinky pa ang buhok sa dibdib kesa sa ulo, salamat kay Ogie Alcasid dahil mas nabigyan niya ng hustisya ang papel na ito. Sinundan ito ng mga makasaysayang Maria La Del Barrio na nagevolve sa Taiwan bilang Meteor Garden at nang mapunta sa Korea ay naging Jewel in the Palace.
13. Speaking of Ogie Alcasid, bago pa man ang Bubble Gang ay una na tayong pinalagpak sa upuan kakatawa ng Tropang Trumpo. Nariyan ang Caronia dance na kahit ito lang ang alam mong sayawin ay kayang kaya mong talunin si Charlene Gonzales sa Feel Like Dancing. Dito rin nakilala si Earl Ignacio (ang boses sa likod ni Peter Pan) na naging syota ni Cristine Bersola bago siya naging Mrs. Babao.
14. The Uncanny X-Men. Ang lyrics ng intro at ending nito ay tinginingininini tinginingingini, ting ting! Love story ito, umikot ang kwento sa love triangle nila Cyclops, Jean Grey at Wolverine. Bakit kasi lahat ng hinahalikan ni Rogue ay nanghihina. Si Jubilee ba ay babae o batang babae? Kapatid ba ni Storm si Undertaker kasi parehong nawawala ang pupil ng mga mata nila? Meron palang halimaw na kulay blue, sa totoo lang siya si Grimace ng McDonald's at nagiging bestial lang siya kapag tinawag siya ni Professor X. Kung iisipin mo mas wholesome panoorin ang Captain Planet, pwedeng pambata at pwede ring pang-environmentali st. GO PLANET!!
15. Nung panahon ng Miss Universe (circa Charlene Gonzales, Shushmita Sen, Viveka Babajee, at Dayanara Torres) ay lahat ng lalaki kahit babae ay patay na patay kay Miss Belguim. Siya si Christelle Roelandts na pagkatapos ng
pageant ay di na natin alam kung anong nangyari sa kanya. Pero may nabalitang nakapag-asawa siya ng astronaut at nanay siya ng quadruplets na huwag mong paniwalaan kasi imbento ko lang ang bahagi ng kwentong ito.
16. Balik tayo sa Megamall. Nung dekada ring ito nagkalat ang balitang wag kang manunood ng sine sa mall na ito kasi may nang-iinjection ng AIDS dito. Siguro ganti ito ng Robinson's Galleria sa kanila nang sumunod kasi na araw sa
Megamal na bumili ng bra at panty si Alice Dixson.
17. Ang Sabado Nights Girl na si Ina Raymundo na ina na sa totoong buhay. Ang awiting Sabado Nights ay kinanta ng Rizal Underground. Wala na akong ibang kwento tungkol dito.
18. Sa panahon ding ito sumikat ang matinee idol na naging inspirasyon ng maraming kabataan dahil sa pagiging love team nila ni Judy Ann. Ang nasirang si Rico Yan. Ang ipinagtataka ko lang ay nauna lang nag kaunti ang pagkamatay
nina Lucio San Pedro at Levi Celerio, na itinuturing nating mga Alagad Ng Sining, sa pagkamatay ni Rico Yan, pero mas nagdalamhati ang sambayanan nang malaman nilang hindi na pala magkakabalikan sina Claudine Baretto at Rico
Yan kasi nga namatay si Rico Yan sa piling ni Dominic Ochoa. Kung overdose sa ecstasy ang kaniyang ikinamatay o dahil sa bangungot ay hindi na mahalaga dahil sa panahong ito isinilang ang Rico Yan Youth Foundation, hayan may kabuluhan naman pala.
19. Nung wala pang Ipod at nalaos na ang walkman ay nauso naman ang discman nuong dekada `90. Kaya lang, mahirap mag-jogging na ang bibit mo ay walkman dahil skip lang nang skip ang lens sa CD at di mo mapatugtog ng maayos. Di rin pwede sa kotse kasi pag nalubak o dumaan sa hump o biglang huminto ay skip na naman ang discman bago pa naimbeto ang CD player na may anti-shock. Kaso bakit di nauso ang discman na may FM/AM receiver?
Kung naka-abot ka sa bahaging ito at naka-relate sa karamihan ng mga nakasulat dito, malamang ay high school ka nung panahong laos na ang mga larong tumbang preso, taguan, teks, chinese gater, step no, at piko. At ang hinlalaki mo ay puro kalyo na kaka-pindot ng controller ng Family Computer. Siguro ngayon ay isa ka nang propesyunal o family person o kung ano man ang iyong ginagawa na kahit abalang abala sa maraming bagay ay meron pa ring naitatabing oras para sariwain ang alaala ng nakalipas at ang katotohanan ng buhay na minsan ay nagturo sa iyong harapin ang
kinabukasan.