Jun 26, 2008 11:02
Nakakairita na talaga ‘yung mga taong naka-scarf. Kailan pa naging fashion icon si Abner Mercado? Mas malaki, mas astig yata. Mas mukha rin silang engot. Dati, mga shimag (‘yung mga parang checkered na scarf na usually kulay itim at pula) lang ‘yung nakikita ko na suot ng mga tao, pero ngayon kahit anong tela na lang ang nakabalot sa leeg nila. Masabi lang na naka-scarf. Para akong nasa bentahan ng basahan. Baka ‘yung iba maduming stockings na lang ‘yung pinupulot makasabay lang sa uso.
Sinubukan ko mag-research (mga 10 minutes lang ako nagbasa-basa) kung saan nagsimula ang mga shimag at kung anong cultural o religious relevance nito. Sa kasamaang palad (o leeg), wala akong nakita. Pero malamang sa sigurado na may mas malalim pa itong kahalagan maliban sa pagiging fashion accessory. Hindi natin alam baka na-bastardize na nating mga Pinoy ang isang napakasagradong kasuotan ng isang prehistoric civilization.
Ewan ko kung anong hiwaga sa pagsusuot ng scarf. Tatlong libong psychological books na ang binasa ko pero wala pa rin akong mahanap na eksplanasyon. Umakyat na rin ako ng patalikod sa Tibet ng 27 beses para humanap ng kasagutan, pero wala pa rin. Sadyang mailap ang kadahilanan sa likod ng scarf phenomenon. Kahit saan talaga ako lumingon, may naka-scarf. Kahit wala na talagang saysay o logic man lang. Example: may nakasabay ako sa jeep kahapon na estudyante. Maayos naman ang school uniform niya. May name plate, may school patch, at plantsadong itim na khaki pants. Kaso nga lang...wait for it...wait...yes...you know it...naka-scarf siya. Aydyuskupo (with matching hampas ng palad sa noo)!
Hindi ako nagtataka kung bakit hindi na nagsusuot ng shimag ‘yung ibang mga kakilala ko. Nawala na kasi ang semblance of uniqueness nila sa dami ng naka-scarf ngayon. Ika nga ng isang napakalalim at time-honored na philosophical theory: if everyone is unique, then no one is unique at all. Pero hindi ko rin naman sukdulang masisi ‘yung mga kabataang nagsusuot ng scarf dahil nga in at super cool. Umaangkas ang mga tao sa kung ano ang uso para maka-identify sa isang grupo. Para may sense of belongingness. Para hindi maiwan ng culture bandwagon. Para pasok sa crowd correlation. O tama na. Nakakaantok na.
Naalala ko rin tuloy nung high school pa ko (parang ang tanda ko na), usung-uso non ‘yung elephants o elepants o kung anumang hinayupak na spelling non. Kahit saan din ako lumingon, may nakasuot ng pantalon na sampung dangkal ang laylayan. Nakiuso naman ako non sa ibang bagay pero ‘di ko talaga naatim na magsuot ng elephants o elepants o kung anumang hinayupak na spelling non. Talagang may binabagayan pa rin ang fashion. Para siyang malaking embudo. Hindi lahat nakakalusot. Nafi-filter ang mga olats. Parang ‘yung bitin na pantalon ni Michael Jackson. Parang ‘yung mala-64 Crayola na mga ipit ni Jolina. Parang ‘yung violet na Amerikana ni Mike Velarde. Parang ‘yung mga scarf ngayon.
Siguro tumatanda lang ako kaya bumababa na rin ang tolerance ko sa mga uso. ‘Yun lang siguro ang dahilan kung bakit ako naiirita tuwing nakakakita ako ng mga tao na tila carbon copy ng isa’t isa. Parang gusto ko naka-pause lang sa panahon ko. Stagnant developmental psychology kumbaga. Ito nga ang dahilan kung bakit hindi ako nagsusuot ng iskini jeans o ng body-fit na damit na tila nag-e-airtight seal ng utong. Nakatahi na yata ang utak ko sa henerasyon ko. Mahirap nang tastasin.
‘Yung mga lintik na scarf kaya madali lang tastasin? ‘Yung lalaking estudyante na nakasakay ko sa jeep kahapon ang nag-inspire sa akin na isulat ang mahaba at nakaksuka na blog na ‘to. I can’t take all the credit for this one.