(no subject)

Apr 06, 2006 04:14

ansarap mabuhay.

ngunit madalas masakit kapag naaalala mo ang nakaraan. minsan mapapatanong ka na lamang kung bakit: bakit ganon? bakit ansakit? mga tanong na walang sagot. makakahanap ka ng sagot sa mga tanong na ito, datapwa't hindi ito sapat. masisiyahan ka na lamang sa mga sagot na uuwi din sa pagtatanong.

sa mga nakalipas na mga araw, hindi ko lubos maisip kung paano iyon lahat nagyari. sa mga naganap, mayroon akong mga tanong.

sa dami ng tanong, mapapaisip ka na lamang kung walang bang saysay ang ating pagtatanong. mas maganda ba na huminto na lamang tayo sa pagtatanong?

hindi ko alam. ewan.

naalala ko yung 1st fil 12 essay ko, just wanted to share it because i worked hard and love this essay of mine. hope you read it:

Fil 12 - G
Buwan
042856
Nakapagtataka na walang humpay siyang nakangiti sa akin kagabi. Wala naman akong ginawa na magpapasaya sa kanya ng ganun. Kapag minsan naman, tila mayroon siyang gustong sabihin sa akin mula sa mga ulap na kanyang pinagtataguan. Madalas, ilang oras lamang, lumalabas na siya upang sabihin ang kanyang nararamdaman. Subalit, kung ika’y minamalas, hindi siya magpapakita, para bagang may kasalanan siyang ikamamatay mo.

Luna daw ang totoo niyang pangalan. Subalit sa lugar namin, Buwan ang tawag sa kanya. Marami na akong nabasa tungkol sa kanya. Ayon sa mga alamat iniluwa daw siya ng Araw sabay ng ating mundo, habang may mga nagsasabi namang nanggaling siya sa isang malaking bato na tumama sa mundo ilang bilyong taon na ang nakararaan. Napakatagal na pala niyang nabubuhay, ngunit parang nabuhay lamang siya kahapon. May mga pagkakataon kasing siya pa ang lumalapit sa akin upang ipamukha ang kanyang kagandahan.

Parang si Jerry Maguire na babae si Luna. Nakatatawa dahil hindi niya ata magaya nang kumpleto ang idol niya. Ilang gabi lamang siyang nakukumpleto sa isang buwan. Sa kabila nito, kapag dumarating ang mga gabing nakukumpleto siya, dahil sa kanyang ganda’y parang walang bukas sa akin at sa buong mundo.

Kaya siguro paggabi lamang lumalabas ang mga daga dahil akala ng mga ito na keso talaga si Luna. Marahil tama sila. Kung titingnan mo kasi, may pagkakapareho silang dalawa. Andaming klase ng keso! Si Luna din, marami siyang mukha, iba’t iba ang inihaharap gabi-gabi. Ngunit sa totoo lamang, iisa lamang ang mukhang inihaharap niya sa atin. Nasa ibang angulo lamang siguro ako sa tuwing nakikita ko siya, ito marahil ang dahilan kung bakit naninibago ako sa tuwing nasisilayan siya.

Selosa itong si Luna. Sa tuwing mapupuno siya ng selos kay Araw, tatakpan niya ito. Sa kasamaang palad, sa halip na makatulong ay nakakasama pa siya. Dahil sa tuwing nagseselos siya, ang araw nagiging gabi.

Minsan, napanaginipan ko na rin siya. Isang masamang panaginip. Kasama kong nag-iinuman ang aking kabarkada sa may dalampasigan nang biglang may nasilayan ako sa direksyon ng dagat. Hindi ko pa alam na si Luna pala yun. Ang alam ko lamang, lasing ang aking paningin. Akala ko isang taong nalulunod, kaya’t kaagad akong tumakbo upang sya ay iligtas. Habang papalapit ako nang papalapit, dahan, dahan ko rin syang nakikilala. At bago ako tuluyang tumalon, nalaman ko na si Luna pala yun. Tumuloy parin ako kahit na alam kong repleksyon lamang niya iyun, sa pag-aakalang mahahawakan ko siya. Ang pag-aalala sa isang taong nalululunod unti-unting pinalitan ng pananabik sa isang taong minamahal. Makalipas ang ilang minuto, tila walang ipinagbago sa distansya naming dalawa. “Napapagod na ako, ayoko na, baka ako malunod...” Ngunit sige pa rin ako sa paglangoy. Isang tangang naghahabol sa repleksyon ng buwan sa karagatan. Nakalunok ako ng tubig. At mula sa isa, naging dalawa at ang dalawa naging tatlo. Nagising ako. Isang masamang biro. Isang masamang biro sa sarili.

Mula nung gabing iyon, hindi ko na siya muling pinansin.

Mabuti pa ang araw, maasahan. Maasahan kong darating siya kahit bumagyo o lumindol. Ang maganda pa rito, hindi siya nahuhuli o nagpapahintay. Parating sakto ang dating niya. Mabuti pa ang araw, nagbibigay ng init. Init na alam kong hindi mawawala, init na nagpaparamdam ng kanyang pagmamahal.
Sa tuwing gabi, at napapatingin ako sa kalangitan, iniiwasan kong masilayan ang kanyang kinang. Ngunit oras niya yun, siya ang bida, ika nga.

subok ko lang gawa ng post na tulad nito :)
Previous post Next post
Up