maria luna celica

Aug 28, 2008 23:27


luma na to, nung March 26 2008 ko pa to sinulat.  anyway, eto na:

Maria Luna Celica
*bow*

Kaibigan, o aking kaibigan

May mga nagsasabi sa iyo na matatanaw mo ang pagasa sa pagdilat ng umaga

Na sa pagdilat ng umaga, lahat ng iyong dinadala ay mawawala

Na ang buhay sa mundo natin ay isang masamang panaginip lamang

Naniniwala ka?

Kaibigan, ang umaga ay ilusyon lamang na ginawa upang matakpan ang katotohanan

Nagulat ka?

Naniniwala ka talaga na isang araw ay matatapos din ang kadiliman sa buhay mo?

Hindi mo ba alam na ang kadiliman ay walang katapusan dito sa ating mundo?

Hindi mo ba alam na matagal ka nang niloloko at binubulag ng iyong sariling mundo?

At higit sa lahat ay pinapaasa sa isang bagay na sadyang walang pagasang magkatotoo?

Hindi mo ba napapansin?

Kaibigan, o aking kaibigan

Kay tagal mo nang naghihintay pero bakit parang ang layo parin ng umaga?

Bakit sa tuwing inaakala mo na nandiyan na siya, na mahahawakan mo na siya

Ay bigla nalang siyang mawawala at malalaman na malayo pa pala siya?

Bakit nga ba?

Kaibigan, kahit anong gawin mo, hindi mo siya mahahawakan

Kahit anong paghihintay o pagpapasensya ay walang silbi

Pagkat kahit anong gawin mo, di siya darating, hindi siya lalapit sayo

Pagkat sa ating mundo, di siya pu-puwede dito

Masakit ba?

Sa ating mundo, walang araw dahil dito ay puro ulan lamang

Sa ating mundo, ang puwede lamang umagos ay ang maaalat na luha

Sa ating mundo, halik sa apoy lamang ang makakapawid ng uhaw

Sa ating mundo, ang kinubukasan ay pantasya lamang

Sino siya?

Isang mahiwagang nilalang na galing sa mundong hindi natin alam kung saan?

Isang prinsesang dala ay ang mailap na bukas?

Ang siyang magdadala sa iyo sa mundo kung saan may liwanag?

Ang siyang katapusan ng kadiliman at ang umpisa ng bagong umaga?

Totoo ka ba?

Yan ba ang iyong katanungan sa prinsesang sa buhay mo ay baka magbigay ng liwanag?

Sa prinsesang magsisindi ng kandilang matagal mo nang kinakailangan?

Sa tanging natitira mong pagasa upang makaalpas sa kadiliman?

Sa tingin mo ba ay siya na ang kasagutan?

Siya na nga ba?

Ayan siya, naglalambing sa iyong harapan

Hindi ka ba makapaniwala?

Ayan na, inaabot na niya sa iyo ang kanyang kamay

Ayan na, ikaw ay kanyang inakap at sa labi ikaw ay kanyang hinagkan

Siya na nga ba?

Sasama ka ba sa kanyang kaharian?

Sasama ka ba sa alam mong naroon ang liwanag?

Iiwan mo na ba ang malupit na kadiliman?

Iiwan mo na ba ang siyang sa iyong buhay ay wumawasak?

Handa ka na ba?

Sigurado ka ba sa iyong pasya?

Iyan ay walang atrasan

Pero yan lang ang tanging paraan

Handa ka ba na iwan ang mundo mong malupit?

Napangiti ka na din sa wakas

Sa unang beses sa iyong buhay, nakahawak ka ng makikinis na palad

Nakaamoy ng napakabangong halimuyak

Makakita ng mukha na sa iyo ay nakatitig at natutuwa

Makadama ng pagtbok ng puso na sadyang napakasarap sa pakiramdam

Ngunit kaibigan

Sa iyong paglisan, ang kadiliman ay sa iyoy humahatak

Nakasaulat na daw sa iyong palad ang habang buhay na pagdurusa

Nakatakda kang maghirap

Ikaw ay nabuhay para lamang tikman araw-araw ang kalupitan

Oo, naiintindihan ko

Ikaw ay pumikit at matabos ang isang buntong hininga, ikaw ay dumilat

Sa iyong mga mata, nakita ko ang iyong kinabukasan

Malakas ang kadiliman ngunit sa kanyang mga palad ikaw ay nakakuha ng lakas

Ngayon, ikaw ay may pagasa na upang baguhin ang iyong tadhana

Paalam na

Ang umaga ay mararanasan mo lamang sa kanyang mundo

Oo kaibigan, doon at hindi dito

Hindi dito sa mundo kung saan ang buhay ay sadyang kay pait

Hindi dito sa mundo na walang kasing lupit

Ako’y nagagalak

Masakit para sa amin na malaman na ikaw ay aalis na

Oo, basta magiingat ka

Wag ka magalala, magtiwala ka sa kanya

Sa kanyang mga palad, dun mo makikita ang liwanag ng umaga

Ako’y nakatingin sa kanya

Kitang-kita ko sa kanya ang pagmamahal

Nais ka niyang tulungan kaibigan

Ayaw ka niyang magdusa

Pagkat ang iyong paghihirap ang kanyang kadiliman

Ako’y nakatingin sa kanya

Sa kanyang mga mata, kita ko ang kalupitan na naranasan

Ngunit siya’y nagpalakas, binaluktot ang kanyang tadhana

Nilabanan ang kadiliman at gumawa ng mundong kung saan may umaga

Upang ikaw ay dalhin dun, iligtas, at makasama sa paraisong siya ang may gawa

Aakapin kita

Sa aking pamamaalam nakita ko sa iyong mga mata ang matatamis na luha

Oo, alam ko, ito ay dahil sa kaligayahang nadarama

Oo, alam ko, ito ay dahil sa pagmamahal nadarama

Oo, alam ko, ito ay dahil sa pangakong siya din ay iyong iingatan

Sa una’t-huling pagkakataon

Nakita kitang nakangiti at nakatitig sa kanya

Sa iyong mga mata ay kitang-kita ang naguumapaw na ligaya

Sa iyong puso ay naroon ang pangako mo sa kanya

Na kahit anong mangyari, di mo hahayaan na siya ay mabalik muli sa kadiliman

Napagisip-isip ko lang

Lagi mong sinasabi na lagi mong pilit na hinahanap ang landas ng umaga

Pero napagtanto ko lang, hindi mo siya hinanap

Bigla nalang siyang nagpakita sa iyo

At hindi mo inaasahan yung pagkakataon na iyon

Napagmasdan ko siya

Sa kanyang mga nakapikit na mga mata, habang siya ay nasa iyong mahigpit na akap

Nababasa ko, nadidinig ko, nadarama ko ang sinasabi ng puso niya

Mahal ka niya

Hindi ka niya pababayaan sapagkat ang pagkasawi mo ang kanyang kadiliman

Hindi ka niya pababayaan sapagkat ang iyong pagbagsak ay di niya papayagan

Kahit na ba ang kanyang kaligtasan na lamang ay ang kanyang huling hininga

Pati ito ay kanyang ibigay sa iyo kung ito ay iyong kinakailangan

Mahal ka niya

Ang salubungin ang umaga na ikaw ay kanyang kasama

Ang mahalikan kayo ng panibagong liwanag habang ikaw ay katabi niya

Ang mahagkan ka kasabay ng pag-gising ng umaga

Iyon ang kanyang tanging ligaya

Napansin ko agad

Sa nakapikit mong mga mata habang siya ay iyong kaakap

Nadarama ko, nakikita ko sa iyo, alam ko ang ipinahihiwatig ng iyong mukha

Mahal mo siya

Ang panoorin siya habang siya’y naglalaro na parang bata sa ulan

Ang mabantayan siya habang siya’y naiidlip sa kalawakan

Kahit ang katumbas nito ay ang kalabanin ang di matibag na kadiliman

Kahit na ang lupit nito ay muling maranasan, lahat ito kakayanin, para lang sa kanya

Mahal mo siya

Ang matitigan siya, ang maakap siya, ang mahagkan siya

Ang magawa ang lahat ng iyon hangang sa katapusan ng walang hanggan

Ang makita mo ang iyong sarili sa kanyang mga mata hangang sa matapos na ang lahat

Iyon ang iyong tanging ligaya

Ngayon ako ay nakangiti

Alam kong ngayon ay maligaya ka na

Alam kong siya ang iyong pinapangarap

Alam kong ang puso mo ay nagagalak na

Alam kong kahit hindi mo sabihin, eto ang iyong huling paalam:

Paalam kadiliman

Sa aking tanging ligaya ako ay sasama

Ako ay papanaw na

Hinihintay na ako ng bukang liwayway

Paalam kaibigan, o aking kaibigan

*bow*

Previous post Next post
Up