since we don't have filipino classes anymore,i'll practice here!

Jan 03, 2005 12:24

Isang Maikling Kuwento [bow]

“Mga Nasugatang Tuhod”

Noon, diretso na siya sa likod ng kanyang bahay pagkatapos ng eskuwelahan. Kakamustahin niya ang kanyang Yaya at asong si Raphaela at ibababa niya ang kanyang gamit sa hardin. Sa likod ng bahay may malaking punong mangga. Higit na mataas ito kaysa mismong bahay niya. Napakataba ng katawan ng punungkahoy na iyon. Para sa batang babae na ito, napakadaling umakyat dahil sa mararaming bukol sa sanga ng puno. Naging eksperto siya sa pagakyat at pagbaba sa puno tulad ng isang maliit at malikot na matsing. Dahil napakaliit niyang bata hindi siya natakot na umapak sa mga maninipis na sanga na nasa tuktok ng puno. Umakyat siya hanggang lumampas ang ulo niya sa lahat ng mga dahon upang makita niya ang mga bubong ng ibang bahay sa barangay. Hindi siya natakot nang dumating ang mga malalakas na hangin at biglang sumayaw ang mga sanga at dahon. Ang punong iyon ay ang kanyang teritoryo.
Kung minsa’y ginamit niya ang punong mangga bilang panhikan upang makarating sa itaas ng bahay. May dala - dala siyang banig at maliit na radyo sa ilalim ng isa niyang braso. Ilalatag niya ang banig sa isang bahagi ng bubong na hindi gaanong maaraw. Kukuha siya ng mga komiks na galing sa kanyang kuwarto. Pagkatapos niyang basahin ang mga ito, magsisiyesta siya. Napakahimbing ng kanyang tulog dahil sa tunog at awit ng mga sumasayaw na dahon. Napakahimbing at malamig, dahil sa mga dahong humaharang sa sikat ng tanghaling araw. Kung magutom ang bata’y kukuha na lamang siya ng mangga at kakainin habang sinasawsaw ito sa asukal at asin o kaya’t bagoong. Habang tinanaw niya ang bakanteng bukid na nasa likod ng pader ng hardin, naisip niya, “Napakasarap ng buhay.”
“JING, BUMABA KA DIYAN AT BAKA MASAKTAN KA!” sigaw ng kanyang nanay. “Paano kung mahulog ka? Paano kung may mabaling sanga diyan?”
“JING, BUMABA KA SA BUBONG NA IYAN AT BAKA MASIRA NG MGA BAGONG ROOF SHINGLES!” sigaw naman ng kanyang tatay.
Dumating ang tag-ulan. Diretso na si Jing sa kanyang kuwarto pagkatapos ng kanyang klase. Naglaro siya ng Barbie. Nanood ng TV. Nahulog ang mga bulok na mangga sa damo ng hardin. Sayang. Naging teritoryo ng mga langgam ang puno. Unti - unting nawala ang mga buwig ng mangga. Hindi na gaanong makapal ang mga dahon sa tuktok ng puno at naging isang ‘new construction site for apartelles’ ang dating bakanteng bukid sa likod ng bahay. Naging maingay. Hindi na niya marinig ang tunog at awit ng mga sumasayaw na dahon. Gumaling ang mga lumang sugat sa tuhod ni Jing dulot ng mabilis na pag-akyat at pagbaba sa puno.
Kailan man ay hindi na bumalik si Jing sa hardin, sa tuktok ng punong mangga o sa bahagi ng bubong na hindi gaanong maaraw.
Nainggit na lamang siya sa mga makasalanang ibon at pusa na lumulusob sa dati niyang teritoryo.
Previous post Next post
Up